𝘃𝗶𝗮 𝗔𝘀𝗵𝗲𝗿 𝗘𝘀𝗽𝗲𝗷𝗼, 𝗣𝗿𝗲𝘀𝘀𝗿𝗼𝗼𝗺 𝗣𝗛
Sa pagpatak ng ulan, marahan tayong umiidlip, nagpapahinga mula sa init at mga pagsubok. Mula sa mga bagay na gusto nating pakialaman at kontrolin— ngunit sa huli, hinahayaan na lang natin. Ganyan ang buhay ayon sa Waltz of Four Left Feet.
Sapat na sa Atin ang Ganito
Sa buhay, likas na sa atin na gustuhin ang nakabubuti. Sino ba namang tao ang maghahangad na lamang, ay hindi pa ang pinakamabuting bagay? Ito ang unang hakbang sa balse ng apat na kaliwang paa: Paghangad ng kabutihan, anuman ang sitwasyon.
Kahit sa mga oras na sa tingin natin, wala ng pag-asa— nananatili pa rin tayong positibo. Hinahanap-hanap pa rin natin ang ilaw sa gitna ng kadiliman, na kahit hindi sapat— nagagawa pa rin nating sabihing, "Sapat na 'to."
Walang Kasiguraduhan
Sa ikalawang hakbang, halata na ang kawalang-kasiguraduhan ng ating sayaw. Kalauna'y nakikita rin ang ating kahinaan, kahit sabihin pa natin na sapat na ang isang bagay sa kalagitnaan ng kalugmukan sa buhay.
"Hindi ko naman yata ikamamatay." Sa pagsambit ng mga katagang ito, tila'y natitikman na natin ang umaaligid na pait ng ating kaisipan. Hindi porke’t positibo ang pag-iisip, laging positibo ang resulta.
Ngunit kahit ganoon, patuloy pa rin tayo sa balse ng ating buhay.
Handa Akong Mabuhay sa Aking Kalokohan
Tiyak na nasabi na natin ito kahit minsan sa ating buhay. Hindi na natin mababawi ang nakaraan; kaya't lagi nating inihahanda ang sarili para sa kapalarang binuo ng nakaraang ito.
Tayo'y nasa Indenial Stage— na minsa'y hindi naman talaga tayo handa, ngunit napipilitang sabihin ito dahil hindi magbabago ang lamig ng tubig sa batis kahit pagmasdan pa natin ito.
Huling Hakbang
"Handa akong harapin ka— walang katiyakan. Kahit na, takot sa maaaring kasagutan."
Ito ang ilan sa huling liriko ng kanta. Ang ikaapat at huling hakbang ng balse— ang pagiging matapang, kahit hindi pa tayo handa.
Dahil sa katotohanan, hindi talaga iinit ang tubig kapag ito'y tinitigan lang. Kailangan mong mag-antay na ito'y mababad sa init upang ito'y magbago. Ngunit, sa isang bagay— tayo'y tumatapang kapag hinahamon tayo sa buhay.
Hindi man lalamig ang tubig kapag ito'y tinitigan, unti-unti mo namang tatanggapin na kailangan mo itong harapin.