via Alexis Pabello, Pressroom PH
May mga sandali sa buhay na tila ba ang mundo’y lumalakad nang mabilis, ngunit ikaw ay nakapako sa iisang lugar. Ang mga ngiti sa paligid ay parang liwanag ng mga bituin—nakasisilaw ngunit malayo, at hindi kayang abutin ang lamig sa loob ng iyong dibdib. Sa bawat hakbang na pinipilit mong gawin, may bigat na nakadikit sa iyong talampakan. Mapusok, magulo, walang direksiyon—at oo, nakakapagod. Ngunit sino ba sa atin ang hindi dumaan sa ganitong pakiramdam? Tila lahat ay malakas sa paningin ng iba, pero sa oras na ikaw na lang ang mag-isa, durog ang iyong kaluluwa.
Ewan ko kung kailan nagsimulang magbago ang tibok ng aking puso. Mahigit isang taon na palang pasan ko ang bigat na ito, at sa bawat araw na lumilipas, lalo ko itong nararamdaman. Hindi ito simpleng pagod o pighati; ito’y isang uri ng sakit na mahirap bigkasin. Para kang naglalakad sa ilalim ng ulan na walang payong—basang-basa, giniginaw, ngunit pinipilit mo pa ring magpatuloy. May mga araw na ang pagbangon ay tila bundok na kailangang akyatin, at may mga oras na napupuno ng pangamba ang isip mo, na para bang nakikipagbuno ka sa hinaharap na hindi mo pa nararating. At kahit pilitin mong magpinta ng ngiti, nananatiling hungkag ang iyong loob.
Napagtanto ko na hindi lahat ng sakit ay dulot ng panlabas na salik. Sa katunayan, natagpuan ko ang higit pang pagmamahal mula sa mga taong nakapaligid sa akin—mga pusong marunong tumanggap, magpatawad, at magmahal nang walang pag-aalinlangan. Ngunit sa likod ng mga yakap at mga salita ng pag-ibig, may tinig pa ring bumubulong sa aking isipan: “Hindi sapat ang lahat ng ginagawa mo. Baka hindi mo maabot ang iyong pangarap. Baka ikaw mismo ang iyong pagkabigo.” At iyon ang pinakamatinding kaaway—hindi ang lipunan, kundi ang sariling pagdududa.
Totoo, ako’y mentally unstable. Hindi ko kailanman itinatanggi, at alam kong hindi rin ako nag-iisa. Marami sa atin ang nakakaranas ng parehong laban—yung tahimik kang dinudurog ng mga iniisip mong hindi mo masabi dahil baka husgahan ka. Ngunit heto ako ngayon, nagsusulat, humihinga sa bawat salita, at unti-unting natututong tanggapin ang katotohanan: madalas kong pinipili ang dilim kaysa sa liwanag, ang takot kaysa sa pag-asa. At baka ganoon din ang nararamdaman ng ilan sa inyo ngayon—na sa kabila ng dami ng pangarap, natatakot kayong hindi ito maabot.
Ako si Alexis. Hindi ako imahe ng perpeksiyon. Isa akong nilalang na nadadapa, umiiyak, at natatalo ng sarili niyang isip. Ngunit ako rin ay isang taong nagtatangkang bumangon kahit gaano kasakit, isang taong handang yakapin ang bawat sugat bilang bahagi ng kanyang paglalakbay. Ang bigat na dinadala ko’y hindi ko na itinatanggi; bagkus, pinipili kong harapin. Dahil sa pagtanggap na ito, natutunan kong hindi ako mahina—ako ay tao. At ang pagiging tao ay sapat na dahilan upang ipagpatuloy ang laban.
Laging may liwanag. Lagi’t laging may pag-asa. Kahit ang pinakamadilim na gabi ay natatapos din pagsapit ng umaga. At kung nararamdaman mo mang ikaw ay nag-iisa, tandaan mong isa lamang itong kasinungalingan ng iyong isip. Maraming tao ang dumaraan sa parehong laban—mga taong natutong ngumiti kahit may sugat, mga taong bumangon kahit ilang beses nang nadapa. At sa mga taong iyon, may mga handang makinig, umalalay, at umunawa. Ang pag-ibig at pagtanggap ay palaging nandiyan; minsan, kailangan lang natin itong hanapin sa tamang tao at tamang pagkakataon.
Ipagpapatuloy ko ang laban na ito—hindi lamang para sa sarili ko, kundi para rin sa lahat ng kagaya kong patuloy na humihinga kahit mahirap. Dahil sa bawat pagbagsak ay may aral, at sa bawat sugat ay may natatagong lakas. Hindi madaling maging “okay.” Ngunit posible. At alam kong darating ang araw na ang lahat ng bigat na ito ay magiging alaala na lamang—isang patunay na hindi ako sumuko, isang kwento ng pagbabalikwas laban sa sarili kong mga takot.
Sa huli, pinakamahalaga ang pagtanggap—hindi lamang ng mundo, kundi ng ating sariling pagkatao. Pagtanggap na minsan, hindi tayo matatag. Pagtanggap na may mga araw na kailangan nating aminin na tayo’y pagod, basag, at nangangailangan ng pahinga. Sapagkat doon nagsisimula ang tunay na lakas: sa pagkilala sa ating kahinaan at sa pagyakap dito bilang bahagi ng ating pagiging tao.
At kung may isang bagay man akong iiwan sa sinumang nakabasa nito, ito ay ang katotohanang hindi mo kailangang maging matibay palagi. Minsan, sapat na ang manatiling buhay, sapat na ang patuloy na huminga, at sapat na ang magtiwala na darating din ang araw ng iyong paggaling. Sa bawat sugat na natamo, ito’y hihilom at may lakas na mamumuo. Sa bawat gabing madilim, may umagang magdadala ng liwanag.