Bata pa lamang, lulan na tayo ng mga pangarap na matatayog, pangarap na nagtutulak sa ating lunukin ang inihahaing kaalaman ng paaralan kahit na minsa'y sangkatutak ito at hindi na natin kaya pang iproseso.
Ito ang mundo na punong-puno ng pangarap, iginuguhit gamit ang turong pabaon, kinukulayan ng kumikinang na medalyang patunay ng pagsisikap. Ngunit paano kung ang kinang ng medalya ay hindi na para sa sariling sigla, kundi para na lamang mapunan ang uhaw ng mga matang may mabibigat na inaasahan? Kapag ang tunay na layunin ng pag-aaral ay unti-unting natabunan ng takot na hindi makasapat?
Isang tanong, isang sagot. "𝘞𝘪𝘵𝘩 𝘩𝘰𝘯𝘰𝘳 𝘬𝘢 𝘣𝘢?" Kapag oo, kasunod agad ang palakpak, ang paghanga, at ang mga matang kumikislap sa pag-apruba. Ngunit kapag hindi, tila awtomatikong lumalabo ang tingin ng ilan—parang hindi na kailangan ng paliwanag, dahil sa paningin ng marami, ang kakulangan ng karangalan ay kapintasan.
Sa mata ng ilan, ang estudyanteng nahihirapan o bumabagsak ay isa nang kahihiyan—hindi pasok sa nakasanayan. Parang marka na lang ang sukatan ng kinabukasan, at kapag wala ka noon, tila wala ka na ring patutunguhan.
𝑷𝒂𝒓𝒂 𝒌𝒂𝒏𝒊𝒏𝒐 𝒌𝒂 𝒃𝒖𝒎𝒂𝒃𝒂𝒏𝒈𝒐𝒏?
Hindi lang ito para sa matataas na pangarap. Minsan, para lang maibalik ang kumpiyansang unti-unting binabawasan ng sistemang mas pinapaboran ang resulta kaysa proseso. Unti-unti, pati ang ngiting kaakibat ng maliliit na tagumpay ay napapalitan ng pagod. Maging ang ngiti sa dulo ng karangalan— kumukupas.
"𝘏𝘪𝘯𝘥𝘪 𝘢𝘬𝘰 𝘮𝘢𝘴𝘢𝘺𝘢" may pait na pagbitaw sa linyang walang kasing bigat. Ito ay mga salitang galing sa walang buhay na boses dahil kulang ang kinang ng bituing nasungkit upang kulayan ang larawang tagumpay sa isipan ng mga taong naghihintay ng resulta.
Maging ang may lulan ay nawalan ng gasolina at tila hindi na kayang tumuloy dahil sa bigat ng pasaning ang tropeyo ay para lang sa mga numero uno at hindi para sa mga pangalang kasunod. Paano na ang pangarap na mula pa pagkabata’y maingat nang iginuhit pero ngayo’y hindi na kayang kulayan ng tintang paubos?
𝑯𝒊𝒏𝒅𝒊 𝒏𝒂 𝒑𝒂𝒓𝒂 𝒔𝒂 𝒅𝒂𝒕𝒊.
"𝘚𝘪𝘯𝘰 𝘢𝘬𝘰 𝘬𝘶𝘯𝘨 𝘸𝘢𝘭𝘢𝘯𝘨 𝘮𝘦𝘥𝘢𝘭𝘺𝘢" bilang na lang sa daliri ang mga estudyanteng hindi pa nakakapag-share ng linyang ito sa social media platform. Ang ilan pa nga'y itinatago ito sa mata ng ibang tao upang iwasan ang mga bulungang tanging hatid ay sugat sa puso.
Dahil inukit na pamantayan sa isip ng mga mag-aaral, parang ang pagkatao’y nakataya sa kung may medalya kang nakasabit, o sertipikong hawak habang nakangiti sa litrato. Ngunit sa ilan, ang medalya ay hindi na simbolo ng tagumpay—isa na itong lubid na unti-unting pumapatid sa natitirang lakas.
Madungis na rin ang listahan ng layunin kung bakit dapat mag-aral nang mabuti ang bawat estudyante, pinalitan ng mga paniniwalang hindi galing sa sarili, kundi sa mata ng ibang taong ang tingin sa karangalan ay sukatan ng halaga— opinyong sa tingin nila'y natitirang katotohanan sa mundo at pilit itinatali sa noo ng kabataang tinatawag na pag-asa ng bayan. Kung itatanong man, "𝘱𝘢𝘳𝘢 𝘬𝘢𝘯𝘪𝘯𝘰 𝘬𝘢 𝘣𝘶𝘮𝘢𝘣𝘢𝘯𝘨𝘰𝘯?" 𝘈𝘯𝘨 𝘢𝘮𝘪𝘯𝘨 𝘬𝘢𝘴𝘢𝘨𝘶𝘵𝘢𝘯 𝘢𝘺 "𝘩𝘪𝘯𝘥𝘪 𝘱𝘰"...... "𝘩𝘪𝘯𝘥𝘪 𝘯𝘢 𝘱𝘰 𝘱𝘢𝘳𝘢 𝘴𝘢 𝘥𝘢𝘵𝘪".
May parte man ay malayo na ito sa dati. Isa nang larawang unti-unting kumukupas ang orihinal na layunin ng mga estudyante. Kung dati’y sapat na ang hangaring matuto at makapagtapos, ngayon ay tila mas mabigat na ang hatak ng mga opinyong walang preno—mga salitang mabilis bumangga, masakit tumama, at matagal bago maghilom.