Isinailalim na sa State of Calamity ang Lungsod ng Meycauayan sa lalawigan ng Bulacan sa bisa ng City Resolution No. 2025-048, Series of 2025, ayon sa anunsyong inilabas ng pamahalaang lungsod sa kanilang opisyal na Facebook page.
Layunin ng nasabing resolusyon na agarang mailabas ang pondo para sa mga kinakailangang ayuda, relief, at rehabilitation operations sa mga apektadong lugar.
Inaasahan din na mapapabilis nito ang pagtugon ng mga ahensya sa mga pinsalang dulot ng kalamidad.
Kasama rin sa kautusan ang pagpapatupad ng price freeze sa mga pangunahing bilihin na epektibo sa loob ng 60 araw, alinsunod sa umiiral na batas at patakaran sa ilalim ng State of Calamity.
Ibig sabihin, ipagbabawal ang pagtaas ng presyo ng mga basic necessities tulad ng bigas, sardinas, kuryente, tubig, gamot, at iba pa.
Hinihikayat ng lokal na pamahalaan ang mga mamamayan na manatiling kalmado at makiisa sa mga ipinatutupad na hakbang upang mas mapabilis ang pagbabalik-normal sa lungsod.
Patuloy namang maglalabas ng mga update ang City Government of Meycauayan kaugnay sa implementasyon ng mga tulong at iba pang hakbangin.