Tulong o Lason?
Para sa maraming kababaihang nakikipaglaban sa breast cancer, malaking pag-asa ang gamot na tamoxifen bilang kaagapay sa pagpapabagal ng pag-usbong ng sakit. Ngunit paano kung ang gamot na akala nila ay makatutulong upang mawala ang paghihirap na kanilang nararamdaman ay siya pa lang dahilan ng mas malala pang karamdaman at panganib?
Isang grupo ng mga siyentipiko ang nakatuklas ng mahalagang impormasyon sa likod ng gamot na ito. Ayon sa kanilang pag-aaral, natukoy nila na maaaring direktang maging mitsa ng tumor sa matris ang gamot na ito sa pamamagitan ng pag-activate ng isang mekanismong tinatawag na PI3K pathway. Karaniwan, ang ganitong proseso ay sanhi ng mutasyon sa gene na PIK3CA, na madalas makita sa mga kusang lumilitaw na uterine tumor. Subalit sa mga pasyenteng umiinom ng tamoxifen, hindi na kailangan ng naturang mutasyon dahil mismong ang gamot ang nagiging dahilan upang ma-activate ang pathway na ito, na posibleng magdulot ng pag-usbong ng cancer cells.
Ang tuklas na ito ay mahalaga dahil ipinapakita nito na kahit ang isang mabisang gamot laban sa kanser ay maaari ring magdulot ng panganib sa pagkakaroon ng kanser sa ibang bahagi ng katawan. Ipinaliwanag ni Prof. Kirsten Kübler ng Berlin Institute of Health na ito ang unang pagkakataong naitala kung paano ang isang gamot ay maaaring direktang mag-activate ng pro-tumor signaling pathway at magbigay ng malinaw na paliwanag kung bakit ang ilang pasyente na gumagamit ng tamoxifen ay nagkakaroon ng pangalawang uri ng tumor.
Gayunpaman, binigyang-diin ng mga mananaliksik na nananatiling mababa ang panganib ng pagkakaroon ng uterine cancer dahil sa tamoxifen at higit pa rin ang benepisyong binibigay nito kumpara sa mga posibleng panganib. Ang gamot na ito ay matagal nang ginagamit at napatunayang nakakatulong nang malaki sa libo-libong pasyente ng breast cancer sa buong mundo. Sa kabila nito, binuksan ng bagong pag-aaral ang mas malawak na pag-unawa kung paano minsan ang mga gamot na nilikha upang gamutin ay maaari ring magdulot ng bagong problema sa katawan.
Ang natuklasang ito ay nag-aalok ng panibagong pagkakataon upang mapabuti ang kaligtasan ng mga gamutan. Maaaring magsilbing gabay ito sa paggawa ng mas ligtas at mas angkop na paggamot batay sa pangangailangan ng bawat pasyente. Nagsisilbi rin itong pundasyon para sa mas personalisadong paraan ng pag-iwas at pag-intervene upang mapababa ang panganib ng side effects. Plano rin ng mga mananaliksik na palawakin pa ang kanilang pag-aaral upang malaman kung may katulad na epekto rin ang iba pang gamot na ginagamit laban sa iba’t ibang karamdaman.