Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na nakabalik na sa Pilipinas nitong Sabado, Setyembre 6, si dating pulis colonel at dating general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Royina Garma, na tumayong whistleblower sa giyera kontra droga, matapos ang halos sampung buwang pananatili sa Estados Unidos.
Dumating si Garma sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 mula California bandang alas-7 ng gabi at isinailalim sa regular na proseso ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval.
Lumipad siya patungong Amerika noong Nobyembre 2024 matapos kumpirmahin ang pag-iral ng Davao Death Squad at ang sistemang gantimpala sa madugong kampanya kontra droga ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
Pagdating sa San Francisco, inaresto siya at ikinulong sa South Louisiana Immigration and Customs Enforcement Processing Center habang humihingi ng asylum. Ibinasura ang kaniyang kahilingan at nanatili ito sa kustodiya ng US nang walong buwan.
Wala pang nakabinbing arrest warrant laban sa kaniya sa bansa kaya’t hindi siya ikukulong ng mga lokal na awtoridad. Gayunpaman, haharapin niya ang mga reklamong pagpatay at attempted murder kaugnay sa pagkamatay ni Wesley Barayuga, dating pulis at opisyal ng PCSO.