via Rebelyn Beyong, Pressroom PH
Isang pambihirang “total lunar eclipse” ang masasaksihan sa buong Pilipinas sa gabi ng Setyembre 7 hanggang sa madaling araw ng Setyembre 8, 2025. Ang buwan ay inaasahang magkukulay-dugo o “blood moon” sa loob ng isang oras at 22 minuto, ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (PAGASA).
Ang kabuuang eclipse ay magsisimula sa ganap na 1:30 ng madaling araw sa Setyembre 8. Inaasahang magiging pinakamadilim at pinakamapula ang buwan sa ganap na 2:11 ng madaling araw, na siyang “maximum eclipse.”
Magtatapos ang totality phase sa 2:52 ng madaling araw, at ang buong eclipse ay matatapos sa ganap na 4:55 ng umaga. Ang buong penumbral eclipse ay mag-uumpisa ng 11:28 ng gabi sa Setyembre 7.
Ayon sa PAGASA, ang “blood moon” ay nangyayari kapag ang buwan ay dumadaan sa anino ng Earth, na tinatawag na “umbra.” Ang kulay pula ay sanhi ng sinag ng araw na dumadaan sa atmospera ng Earth at nagba-bounce sa ibabaw ng buwan. Ligtas itong pagmasdan at hindi nangangailangan ng anumang espesyal na kagamitan, ‘di tulad ng solar eclipse.
Ang celestial event na ito ay 100% na makikita sa buong bansa, kabilang ang Manila, Bacolod, Cebu, Davao, at Makati. Ngunit, ang panonood ay nakadepende pa rin sa lagay ng panahon. Sa rehiyon ng Davao at Mindanao, may posibilidad ng kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa gabi ng Setyembre 7 at 8. Kaya’t pinapayuhan ang lahat na tingnan muna ang lagay ng kalangitan bago mag-abang.
Upang masulit ang panonood, maghanap ng lugar na may malinaw na abot-tanaw at malayo sa polusyon ng ilaw. At dahil sa madaling araw ang kasagsagan nito, mag-set ng alarm upang hindi mapalampas ang pambihirang pagkakataon na ito. Ang tagal ng totality phase nito ay isa sa pinakamahaba para sa taong 2025. |