via Girlie Anne Cornelio, Pressroom PH
Isang maliit na insekto ngunit matindi kung kumagat—itinuturing itong kaaway ng sangkatauhan. Ngunit ano nga ba ang dahilan ng takot na dulot nito? Bakit ang isang maliit na nilalang ay nagbibigay ng nakangingilabot na babala sa marami?
Ang dengue ay isang viral infection na naipapasa sa tao sa pamamagitan ng kagat ng infected na lamok. Isa itong malaking suliranin sa lipunan dahil sa epekto nito sa kalusugan. Noong Enero hanggang Agosto 22 ng kasalukuyang taon, naitala ang mahigit 110,000 kaso ng dengue sa bansa, kung saan higit 437 ang namatay. Ang pagkawala ng mga mahal sa buhay dahil sa sakit na ito ay nagdudulot ng matinding pighati sa mga naiwang pamilya.
Sa buong mundo, tinatayang kalahati ng populasyon ang nanganganib sa dengue, na may humigit-kumulang 100–400 milyong kaso bawat taon. Karaniwang sintomas nito ang mataas na lagnat, matinding pananakit ng ulo, pagduduwal, pagsusuka, pamamantal, at iba pa. Pinakakaraniwan ito sa mga tropikal at subtropikal na lugar, partikular sa mga urban at semi-urban na komunidad.
Gayunpaman, may mga kaso ng dengue na walang malinaw na sintomas, kaya’t hindi agad natutukoy at maaaring humantong sa kamatayan. Mahalaga ang maagap na pag-iwas at kontrol laban sa lamok. Inirerekomendang gumamit ng acetaminophen para maibsan ang pananakit, at iwasan ang paggamit ng non-steroidal anti-inflammatory drugs (NSAIDs) upang hindi lumala ang kondisyon ng katawan. Tinatayang 70% ng global na kaso ay matatagpuan sa Asya, na siyang pinakanaaapektuhang rehiyon.
Samantala, malaking bahagi ng pagdami ng lamok ay iniuugnay sa nagbabagong klima at pagkasira ng kalikasan, na nagpapalawak sa kanilang tirahan. Malubha ang epekto ng dengue sa sangkatauhan, ngunit posible itong malabanan kung magsisimula sa simpleng hakbang tulad ng paglilinis ng bakuran at pagtutulungan ng bawat komunidad. Sa determinasyon at pagkakaisa, maaaring mapuksa ang mapaminsalang lamok na patuloy na nagpapahirap sa tao.