Alam mo ba na ang Pilipinas ngayon ang may pinakamabilis na pagtaas ng kaso ng HIV sa buong Asia-Pacific?
Tahimik pero mabilis kumalat.
Sa kabila ng mga kampanya para sa ligtas na pakikipagtalik at mas malawak na access sa impormasyon, patuloy pa rin na dumarami ang mga kaso ng Human Immunodeficiency Virus (HIV), lalo na sa hanay ng kabataan. Kung ang HIV ay isang “hindi nakikitang karamdaman,” dapat ba talaga natin itong katakutan, o mas dapat natin itong unawain?
Ayon sa World Health Organization (WHO) at Joint United Nations Programme on HIV/AIDS (UNAIDS), patuloy na tumataas ang bilang ng kaso ng HIV sa Pilipinas, na ngayon ay itinuturing na may pinakamabilis na pagtaas sa buong Asia-Pacific region. Mula noong 2010, umakyat ng mahigit 550% ang kaso, mula 4,400 hanggang halos 30,000 noong 2024. Tinatayang nasa 252,800 naPilipino ang nabubuhay na may HIV sa unang bahagi ng 2025, ngunit kalahati lamang sa kanila ang na-diagnose at mas mababa pa rito ang tumatanggap ng gamutan.
Sa datos ng Department of Health (DOH), may naitatala na 57 bagong kaso kada araw, at karamihan ay mula sa kalalakihang nasa edad 15 hanggang 24. Halos isang katlo ng mga bagong kaso ay mula sa kabataang nasa edad 15 hanggang 24. Ayon sa mga eksperto, malaki ang papel ng kakulangan sa kaalaman: patuloy na stigma laban sa HIV, limitadong access sa testing at gamutan, at kakulangan ng komprehensibong sex education sa mga paaralan sa mabilis na pagtaas ng bilang.
Ang HIV ay isang virus na sumisira sa immune system ng tao at maaaring humantong sa Acquired Immunodeficiency Syndrome (AIDS) kapag hindi nagamot. Hindi ito naipapasa sa simpleng pakikipagkamay o pagyakap, ngunit maaari itong maipasa sa pamamagitan ng pakikipagtalik nang walang proteksiyon, paggamit ng kontaminadong karayom, o mula sa ina patungo sa sanggol sa pagbubuntis, panganganak, o pagpapasuso.
Walang lunas para sa HIV, ngunit may antiretroviral therapy (ART) na kayang pabagalin ang virus at mapanatili ang mabuting kalusugan ng pasyente. Kapag umabot ang isang tao sa tinatawag na “undetectable viral load,” hindi na niya naipapasa ang virus sa iba, kilala ito bilang konseptong U=U o Undetectable = Untransmittable.
Nanawagan ang WHO, UNAIDS, at DOH para sa mas maigting na kampanya laban sa HIV sa bansa. Kabilang sa kanilang panukala ang pagpapalawak ng testing at gamutan, pagpapalakas ng edukasyon tungkol sa ligtas na pakikipagtalik, at pagbawas ng stigma upang mahikayat ang mas maraming Pilipino na magpasuri. Ayon sa mga eksperto, ang HIV ay hindi dapat katakutan kung may sapat na kaalaman at maagap na aksyon, at posible itong mapigil kung sama-samang kikilos ang pamahalaan, komunidad, at bawat mamamayan. | via Maria Angela Medina, Pressroom PH