𝘃𝗶𝗮 𝗦𝗮𝗺𝗮𝗻𝘁𝗵𝗮 𝗗𝗲 𝗖𝗮𝘀𝘁𝗿𝗼, 𝗣𝗿𝗲𝘀𝘀𝗿𝗼𝗼𝗺 𝗣𝗛
Isang kamangha-manghang tuklas ang naiulat ng mga magagaling na mananaliksik mula sa China’s Large High Altitude Air Shower Observatory (LHAASO). Nagpakita ito ng natatanging view ng ultra high energy gamma rays sa Milky Way. Sa pamamagitan ng teleskopyo, malinaw na nakita ng mga siyentipiko ang pambihirang pangyayaring ito.
Batay sa artikulong inilathala ng SciTech Daily, binigyang-pansin ng mga siyentipiko at astronomo sa China ang panibagong tuklas kaugnay sa misteryo ng kalawakan. Natunghayan nila ang mga enerhiyang katulad ng ultra high energy gamma-ray astronomy.
Inilalarawan ang cosmic energy bilang mga charged particle na naglalakbay sa iba’t ibang bahagi ng kalawakan sa bilis ng liwanag o speed of light na may tinatayang 186,282 milya kada segundo. Kung ikukumpara, ito ay halos 1.9 milyong beses na mas mabilis kaysa sa isang karaniwang eroplano. Itinuturing itong isa sa pinakamahalagang tuklas ng makabagong panahon.
Ilan pa sa mga natuklasan ay ang W43 (star-forming region), CTA-1 (supernova remnant na may pulsar wind nebula), Pulsar Halo ng J0248+6021, at 1LHAASO J0056+6346u. Ilan lamang ito sa mga natuklasang maaaring makatulong sa pagpapatuloy ng mga pag-aaral tungkol sa iba’t ibang misteryo ng kalawakan. Sa kabutihang palad, nasa panahon tayo ngayon kung kailan may kakayahan nang makalikha ng mga kagamitang makatutulong upang mas maunawaan kung paano nabuo ang kalawakan, bakit nasa Milky Way ang Earth, at kung bakit sakto ang posisyon nito kaya’t hindi gaanong naaapektuhan ng mararahas na ultraviolet rays mula sa araw — mga katanungang patuloy na hinahanapan ng kasagutan.
Isang pambihirang “galactic treasure map” ang iniulat ng LHAASO sa kanilang “Mini Survey of the Milky Way”. Itinuturing itong masusing pag-aaral ng kalawakan gamit ang ultra high energy gamma rays. Sa tuklas na ito, naitala ang mga pinakamakapangyarihang cosmic engines sa ating kalawakan, na nagpapatunay na ang mga high-energy phenomena na dati’y hindi pa nakikita ay patuloy nang natutuklasan sa ngayon.
Sa kabila ng tagumpay na ito, hindi maikakaila ang malaking badyet na kailangan upang maisakatuparan ang ganitong proyekto. Sa isang bansang tulad ng Pilipinas, hindi pa gaanong nabibigyang-priyoridad ang mga proyekto sa larangan ng agham at teknolohiya. Mahalaga ring ituon ang atensiyon ng bansa sa pagtuklas sa mga misteryong bumabalot sa ating mundo.
Sa pamamagitan ng LHAASO, nakalikha tayo ng panibagong tuklas patungkol sa kalawakan. Tinawag itong Galactic Treasure Map — isang makabagong paraan upang tuklasin ang mga natural particle accelerators at ang pinagmumulan ng cosmic rays. Binuksan nito ang pinto sa mas malalim at komprehensibong pag-aaral sa larangan ng high-energy astrophysics.
Galac-TASTIC na tuklas patungo sa mayamang bukas.