𝘃𝗶𝗮 𝗩𝗲𝗻𝗶𝗰𝗲 𝗠𝗶𝗲𝗹 𝗣𝗶𝗲𝗹𝗹𝗲𝗷𝗮 𝗔𝗰𝗮𝗶𝗻, 𝗣𝗿𝗲𝘀𝘀𝗿𝗼𝗼𝗺 𝗣𝗛
Maihahalintulad ang buhay ng isang tao sa lutong ulam, ihahanda mo ang mga sangkap, mga kagamitang magiging katuwang mo at mga hakbang na magpapasarap dito. Anumang bagay sa mundo ay may proseso. Maging ang paglimot na hirap kang simulan ay mayroon din. Kinakailangan mo lang sundin ang mga paraan at masanay sa mapait na lasa.
Matagal-tagal ding naka-favorites noon sa music app ko ang “Multo” ng Cup of Joe. Sa bawat pagpasok ng tunog sa aking tainga, nanunumbalik ang mga alaala na minsan kong ninamnam.
Kung ano-ano na ang pinaggagawa ko para lang kalimutan siya. Nagperya ako, nagpa-rebond, at kumain na sa labas upang makalimot. Pero wala talaga. Mahirap makalimot sa taong minahal mo nang lubos.
Masyado akong nasaktan noong una. Siguro'y tumaba na nga ako nang gawin kong sandalan ang pagkain ng marami. Ngunit kalauna'y nasanay na ako. Madali lang naman pala kung pilit kong susundin ang proseso.
Marahil katulad rin kitang sawi noon. Kaya't siguro'y kailangan mo ring malaman ang mga hakbang at mga sangkap nito.
Isip at puso mo ang mga pangunahing sangkap ng rekadong ito. Sa bawat paghalo mo, isipin mo na ang ginagawa mo na ito ay para sa ikabubuti at ikapapayapa ng damdamin mo. Paglimot ang pangalawang hakbang. Kapag nakatapos ka nang makalimot, ay sahugan mo ito ng pagbabago. ‘Yong tipong pagtinikman mo ay hindi na mapait katulad ng dati. Ihuli mo ang pamamaalam. Huwag mong unahin ang mga bagay na dapat ay nasa bandang dulo. Unahin mong lutuin ang mga sankap sa iyong pag unlad at pagtatag.
Kapag nagawa mo na ang lahat ng ito, sigurado akong kahit papano ay naibsan na ang sakit at kirot sa puso mo. Mapait ang katotohanan kung kaya't balansehin mo ito gamit ang tamis ng pagtanggap. Masasanay ka rin pagtagal.
Normal na ang mahirapan sa isang bagay. Maging ang mga bihasa sa pagluto ay nakalilimot din sa kanilang mga pangsahog—kaya't subukan mo lang. Sanayin mo ang iyong panlasa sa iba't ibang timpla ng buhay.
Lahat ng mahirap na bagay ay nagiging madali kapag natututunan. Katulad ng pagluluto, kinakailangan mo rin ng pagsasanay at oras sa pagmamahal. Kapag napunan mo na ang mga ito, madali na lamang ang makahanap ng bago. Mahahanap mo rin ang para saiyo, sundin mo lamang ang paraan ng paglimot.