Jevin Alfred Follante
Yehey, walang pasok!
Sigaw ng ilan sa tuwing may bagyong paparating. Sa kanilang mga mata, ito’y tila gantimpala — isang araw ng pahinga, isang pagkakataong makaiwas sa leksyon at pagsusulit. Ngunit habang ang kanilang tinig ay umaalingawngaw sa tuwa, may mga tinig na nilulunod ng rumaragasang ulan at baha.
Habang abala ang mga bata sa paglalaro ng gadgets sa loob ng ligtas na tahanan, may mga batang lumulutang ang mga gamit at sapilitang inaalis sa kanilang mga silid. Ang mga nanay na nagluluto ng sopas sa malamig na umaga ay hindi naririnig ang daing ng mga nanay na kumakapit sa bubong, umaasang maililigtas ang kanilang mga anak.
Sa isang bahagi ng bayan, ang ulan ay musika ng paghinga; sa kabila, ito’y kulog ng kapahamakan. Ang bagyo ay nagiging “pahinga” para sa mga nakaligtas ngunit nananatiling bangungot para sa mga nasa bingit ng pagkalunod. Ang kasayahan ng iilan ay kabaligtaran ng kamatayan ng ilan.
Hindi kasalanan ang matuwa, ngunit nakamamatay ang pagiging bulag. Ang bawat halakhak ng mga ligtas ay parang palakpak sa trahedya ng mga biktima. Ang “walang pasok” ay hindi lamang kalendaryo sa pader; ito ay araw ng pagluluksa, ng pagkawala, ng panibagong sugat sa alaala ng mga nasalanta.
Kung tunay na iisang bayan, dapat may kabahaging pananabik at pagkalinga. Hindi sapat na ngumiti habang ang iba’y lumuluha. Ang bawat pahinga ng isa ay dapat makita bilang pighati ng kapwa, sapagkat ang unos ay hindi namimili ng biktima — ngunit malinaw na may mga mas madaling matangay.
Ang kasayahan na walang pagkilala sa hirap ng iba ay kasayahang kay dilim. Isang sayaw sa ibabaw ng abo, isang pagtawa sa gitna ng sigaw. Hangga’t may nagbubunyi nang walang pakialam, mananatiling hati ang bayan — isa sa kaligtasan, isa sa kamatayan.
Halakhak sa isang tabi, panaghoy sa kabila. Sa ilalim ng iisang langit, magkaibang mundo ang nabuo — at ang tawag ng marami sa kaligtasan ay walang iba kundi kasayahang kay dilim.