Girlie Anne Cornelio
Sa mga nagdaang taon, mas marami ng kabataan—minsan ay wala pang 20 taong gulang—ang natutukoy na may sakit na ito. Isa itong nakakabahalang realidad na hindi basta-basta maikakaila.
Kung dati-rati ay iniuugnay lamang ang sakit na ito sa matatanda, ngayon ay maging mga bata, kabataan, at young professionals ay tinatamaan na rin. Bakit nga ba sa murang edad pa lamang ay natamaan na ng ganitong sakit?
Ayon sa mga eksperto, ang kanser ay isang sakit na nagmumula sa abnormal na paglaki ng cells sa katawan. Kapag ang mga cells na ito ay hindi na sumusunod sa normal na daloy ng pagdami, maaari silang bumuo ng tumor o kumalat sa iba't ibang bahagi ng katawan. Iba-iba ang uri ng kanser—may leukemia, breast cancer, lung cancer, at iba pa—at bawat isa ay may kani-kaniyang dahilan at risk factors.
Ayon sa mga pag-aaral, maraming salik ang posibleng dahilan kung bakit dumarami ang kaso ng kanser sa kabataan.
Maraming kabataan ngayon ang exposed sa hindi malusog na pamumuhay. Mula sa madalas na pagkain ng processed food at fast food, hanggang sa kakulangan sa tulog at ehersisyo. Kabilang na rin d'yan ang sedentary lifestyle o ‘yung palagiang pag-upo at kakulangan sa physical activity. Hindi rin maikakaila na ang sobrang paggamit ng gadgets, kulang sa exposure sa araw, at mental stress ay may epekto rin sa kalusugan ng cells sa katawan.
Laganap din ang paggamit ng mga produktong may kemikal, gaya ng vape, pabango, skin products, at maging mga pagkaing may artificial preservatives. Ayon sa mga pag-aaral, ang ilan sa mga kemikal na ito ay may kinalaman sa DNA damage, na maaaring magdulot ng cancer sa kalaunan.
Gayunpaman, hindi rin natin dapat kalimutan na mas maaga nang nade-detect ang kanser sa panahon ngayon, salamat sa mga makabagong teknolohiya sa medisina. Ang dating hindi natutuklasan hanggang sa lumala pa ang sakit ay mas nahuhuli na ngayon nang maaga pa. Halimbawa, ang regular na check-ups, blood tests, at imaging technologies gaya ng MRI at CT scan ay mas accessible na. Kaya bagama’t mukhang mas maraming kaso, maaaring parte rin ito ng mas epektibong early diagnosis.
Bagama’t may mga riskong dulot ang modernong pamumuhay, hindi rin maikakaila ang positibong papel ng teknolohiya sa paglaban sa kanser. Mas maagang diagnosis ang susi sa mas mataas na survival rate. Sa pamamagitan ng AI-assisted diagnostics, genetic testing, at targeted therapies, mas tumatalino at tumitindi ang laban ng agham kontra sa sakit na ito.
Gayundin, lumalawak na rin ang kaalaman tungkol sa cancer prevention. Sa social media at iba’t ibang online platforms, mas naipapaliwanag sa kabataan kung paano alagaan ang sarili, umiwas sa bisyo, at kumonsulta agad sa doktor kung may kakaibang nararamdaman.
Ang dumaraming kaso ng cancer sa kabataan ay isang paalala na wala nang pinipiling edad ang ilang sakit. Hindi sapat ang pagiging bata upang sabihing ligtas na tayo. Kailangan ng masusing pag-unawa, tamang impormasyon, at malusog na lifestyle. Sa tulong ng siyensiya, may pag-asa pa rin tayong mapababa ang bilang ng mga kabataang nagkakakanser — at masigurong ang kinabukasan ay hindi masasayang sa kamay ng sakit na ito.