Alleya Krisha Naveros
Mainit ang kalsada, humahalo sa pawis ang alikabok.
Sa bigat ng hakbang ng bayan,
lumundo na ang balikat ng mga kabataan.
Ngunit sa kabila ng lahat,
nakahulma pa rin sa kanilang mukha
ang apoy ng galit na may halong pag-asa.
‘Di bakas dito ang panghihina,
ngunit tila mabangis ang kanilang tindig.
Marahil pinaglalaruan ng mga ganid sa kapangyarihan.
Alas tres ng hapon ay nagsimulang magtipon ang tao.
Pinagmamasdan ang mga bandilang iwinawasiwas sa hangin.
Bago sumigaw nang sabay-sabay,
upang kumayod sa lipunang tila ba isang piitan.
Kailangang makipagtagisan ng tinig,
sa kung sino ang matitira sa himig ng sigaw.
Bumuhos man ang ulan, dumilim man ang kalangitan,
Ngunit hindi malulunod ang sigaw ng bayan.
“Walang mali sa paglaban, may mali kaya lumaban!”
Tinig na dumurog sa pader ng kasinungalingan.
Pinagmasdan ko ang masa
habang pinupuno nila ang kalsada.
Nasulasok ako buong araw,
‘di dahil sa init ng araw,
kundi sa init ng kanilang paninindigan.
Binatikos sila ng mga nasa kapangyarihan,
tinawag silang manggugulo ng ilan,
ngunit ni isang saglit ay hindi naglaho
ang apoy ng kanilang lalamunan sa pagtutol.
Sa kabila ng takot at banta,
nasa dibdib pa rin ang tibok ng pag-asa.
‘Di pansin ang hagupit ng batikos na inihahataw sa kanila
ng mga bibig na busog sa kasinungalingan,
ng mga kamay na balot ng nakaw na yaman,
ng mga tiyan na lumalagok sa dugo ng bayan.
Tunay ngang pakikibaka ito ng sambayanan,
Sapagkat hindi nila alintana ang kasinungalingan
ng sistemang matagal nang bulok at puno ng karumihan.
Kaya’t sa pawis, sa bawat hakbang, sa bawat sigaw,
unti-unti, lumulundo ang balikat ng mamamayan.
Ngunit pilit pa ring hinuhulma sa mukha nila
ang abot-taingang kurba ng tapang at pag-asa.
‘Di makikitaan ng panghihina o alinlangan,
sapagkat tunay ngang namangmang ang mamamayan.
Marahil ay napaglalaruan ng lipunan.