Kapag ako’y nagigising, palaging sumasakit ang tiyan ko. Hindi dahil hindi ako nakatulog nang maayos kundi sa gutom na hindi kayang bilhin ni Nanay. Hindi naman ganito ang buhay namin, dati ang saya pa nga. Ang kusina’y buhay na buhay, isang orkestra ng kawali at kumukulong tubig. Pero ngayon? Isang tahimik na silid, may mga garapon na kalahati na lang ang laman at mga pagkaing tinitipid.
Si Nanay, dating maestro ng mga salu-salo, ngayon isa-isang sinusuri na ang bawat resibo, tila isang propesiya; kaniyang noo’y nakakunot sa mga linyang dulot ng alala na wala pa noon.
“Mahal, medyo mataas na ang presyo ng bigas ngayon,” bulong niya kay Tatay. Napapansin ko ang pag-aala sa kanilang mga mata at ako’y nasasaktan pati tiyan ko. Madalas kong iniiwasan na sabihin sa aking mga magulang na ako ay gutom na gutom na at nangangailangan, natatakot na mag-alala sila sakin.
Ang dati’y luma at gasgas na jeepney na naghahatid kay Tatay sa trabaho araw-araw ay iba na ang pakiramdam. Ang dating pamilyar na biyahe ay naging pinagmulan na ng stress at ang panukat ng gasolina ay parang pumipintig na bomba. Dati, nagrereklamo lang kami sa init, pero ngayon, ang pagtaas ng presyo ng krudo ay parang langit na unti-unting sinusunog ang aming kaginhawaan.
Ang bunso kong kapatid ay humiling ng bagong manika na nakita niya sa isang bintana ng mall, malaki ang mga inosenteng mata ng pagnanasa. Bahagyang nadudurog ang puso ko tuwing naririnig ko ang marahan ngunit matatag na “sa susunod na lang” ni Nanay. Iyon ay naging permanenteng bahagi na ng aming bokabularyo.
Ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing pangangailangan ay pilit kaming pinagpapaliban, hindi lamang ang mga pagnanasa, kundi pati na rin ang maliliit na kaligayahan, at pinalitan ito ng patuloy at umaaktibong kawalan ng katiyakan.
Ang implasyon ay hindi lang numero sa isang talangguhit; isa itong magnanakaw na kumukuha sa aming maliit na luho, at sa simpleng kaligayahang magkaroon ng sapat. Ito ang tahimik na luha sa mata ni Nanay kapag akala niya ay walang nakakakita, at ang pilit na ngiti sa mukha ni Tatay habang sinasabi niya, “Huwag kayong mag-alala, magiging maayos din tayo.”
Ito ang ‘di nakikitang bigat na aming dala-dala, isang pamilyang nagsisikap na lumutang sa tumataas na tubig ng kahirapan sa ekonomiya.