Batay sa tala ng Department of Health (DOH) noong August 9, umakyat na sa 37,368 ang kaso ng Hand, Foot, and Mouth Disease o HFMD sa bansa, pitong beses na mas mataas kumpara sa 5,081 kasong naitala sa kaparehong panahon noong 2024.
Kalahati ng mga tinamaan ay mga batang nasa edad isa hanggang tatlong taon.
Ayon kay DOH Secretary Dr. Ted Herbosa, hindi dapat ikabahala ang pagtaas ng kaso ng HFMD dahil karamihan dito ay ‘mild cases’ na karaniwang tumatama sa mga batang limang taong gulang pababa.
Gayunman, aminado si Herbosa na may ilang mas nakatatanda ring nahahawa sa mabilis nitong pagkalat.
Sa isang programa ng DZMM Teleradyo nitong Sabado, August 23, binigyang-diin ng DOH Secretary ang mabilis na pagkalat ng naturang virus kahit sa simpleng pakikisalamuha sa taong may sakit.
“By contact ito. Pwede kang mahawa kung mahawakan mo ‘yung butlig or blister, o ‘yung ulcer or singaw. Pag nahawakan mo ‘yan. Or pag nag-share kayo ng gamit, yung kutsara [at] tinidor, [napagsaluhan] niyo,” saad ni Herbosa.
Dagdag pa niya, mayroon nang bakuna laban sa HFMD, subalit sa China pa lamang ito kasalukuyang available.
Kaya paalala ng kagawaran na manatili sa loob ng bahay kapag nakararamdam na ng mga sintomas gaya ng lagnat, singaw sa bibig, pananakit ng lalamunan, at mga butlig sa palad at talampakan—sa loob ng pito hanggang sampung araw, o hanggang mawala ang lagnat at matuyo ang sugat.
Bukod pa rito, mahalaga ring nakahiwalay ang kubyertos at mga personal na gamit, at siguraduhin na malinis ang tinutuluyan ng taong may HFMD.
Handwashing o maiging paghuhugas ng kamay ang pangunahing hakbang sa pag-iwas sa naturang sakit, ayon kay Herbosa.
Ang sakit na HFMD ay maituturing na ‘self-limiting’ dahil kusa itong gumagaling sa loob ng isang linggo.
Kadalasan itong nakukuha sa paghawak ng mata, ilong, o bibig gamit ang kamay na nahawakan ang bagay na kontaminado ng virus.
Ayon sa World Health Organization (WHO), hindi nakatutulong ang pag-inom ng antibiotics laban sa sakit, tanging pag-inom ng tubig at paggamit ng over-the-counter remedies para sa butlig at sakit na lalamunan lamang ang ilan sa sagot para maibsan ang epekto ng sintomas.