Pinuri ni Senator Panfilo “Ping” Lacson si Batangas 1st district Rep. Leandro Legarda Leviste sa kanyang post sa X (dating twitter) noong Agosto 24, matapos tanggihan ang P360 milyong suhol mula sa isang district engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Nag-alok umano ng “komisyon” ang nasabing engineer kaugnay ng mga infrastructure projects sa kanilang distrito.
Saad ni Lacson, naging tulay si Leviste upang maisagawa ng Philippine National Police (PNP) ang matagumpay na special operation na siyang humantong sa pagkakaaresto ng nasabing district engineer noong Agosto 22, sa Barangay San Roque, San Pablo City, Laguna.
“My snappy salute to neophyte Cong Leandro Leviste, Batangas 1st District for the successful police entrapment operation against a corrupt DPWH District Engineer who tried to bribe him with up to P360M in kickbacks from infra projects in his district. May his tribe increase,” ani ni Lacson sa post.
Isiniwalat din ng mambabatas na may nakarating sa kaniya na impormasyon na ang sinasabing alok na suhol ay may kaugnayan umano sa tinatayang P3.6 bilyong “approved” budget sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act.
Aniya, kumakatawan ito sa 10% (P360 milyon) bilang “kickbacks,” mas mataas ng 5-6% "passing through" o "parking fee" para sa mga proyekto ng ilang kongresista sa kanilang distrito.
Sa isang public statement noong Agosto 25, kinumpirma ng tanggapan ni Leviste ang pagkakaaresto sa naturang kawani ng DPWH na kinilalang si Engr. Abelardo Calalo.
Nakatakdang isasampa ng kongresista ang pormal na kaso laban kay Calalo sa Martes, Agosto 26, sa Office of the Batangas Provincial Prosecutor, kaugnay ng paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Base sa inilabas na police report ng Taal Municipal Police Station, tinatayang nasa P3.1 milyon ang inalok ni Calalo sa kongresista kapalit ng hindi pagpapatuloy ng imbestigasyon kaugnay ng mga iniulat na anomalya sa mga DPWH projects sa 1st district ng Batangas.
Pinag-aaralan pa ng mga awtoridad kung ang nasabing P3.1 milyong narecover sa gitna ng operasyon ay paunang bayad pa lang sa kongresista.
Sa kabilang banda, mariing kinukundena ng DPWH ang naturang misconduct.
Ayon sa inilabas nilang pahayag noong Agosto 25, “deeply concerning” ito kung tatawagin.
Giit pa ng DPWH, lubos ang kanilang suporta sa isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad at matatag silang nanindigan sa kanilang pangako sa pagiging tapat at bukas na ahensya ng gobyerno.
Bukod sa kasong haharapin ni Calalo, nakatakda rin siyang supendihin at alisin sa pwesto ng ahensya bilang district engineer.