Inihain ni House Deputy Majority Leader at Camarines Sur 2nd District Representative Luigi Villafuerte ang House Bill No. 163 o ang “Mental Health and Digital Wellbeing for Youth Act of 2025” upang tugunan ang lumalalang karahasan sa mga paaralan at suliraning pangkalusugan ng isip ng mga mag-aaral.
Inaatasan ng panukala ang pagtatalaga ng lisensiyadong psychologist, guidance counselor, o psychiatric nurse sa bawat pampublikong high school at state university and college (SUC) sa loob ng tatlong taon, sa pakikipag-ugnayan sa Department of Education (DepEd), Department of Health (DOH), at Commission on Higher Education (CHED).
Kabilang din dito ang taunang pagsusuri sa kalusugang pangkaisipan, mga ligtas na espasyo para sa emotional processing, at pagsasanay para sa mga guro sa trauma-informed at empathy-based na pamamaraan.
“Naging kritikal na isyu sa kalusugang pampubliko ang sikolohikal na kalagayan ng ating kabataan at mga adolescents dahil na rin sa matinding presyur sa pag-aaral, sikolohikal na epekto ng pandemya ng Covid-19, at mga panganib mula sa teknolohiyang digital. Kaya naman, dapat magtalaga ng mga lisensiyadong propesyonal sa bawat pampublikong paaralan at SUC,” ani Villafuerte.
Binigyang-diin din ng mambabatas ang agarang pangangailangan ng pagpasa ng naturang panukalang-batas dahil maraming pampublikong paaralan ang wala pa ring akses sa mga sanay na mental health professionals.
Karamihan sa mga estudyante ay walang regular na daluyan para sa counseling, maagang interbensyon, o suportang emosyonal.
Nanawagan naman si Villafuerte sa kanyang mga kasamahan sa Kamara na suportahan ang panukala, lalo na’t nagsimula na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng mga hakbang upang tugunan ang dumaraming kaso ng karahasan sa paaralan.
Sa kasalukuyan, inatasan na ng Pangulo ang DepEd, Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP), at Department of Social Welfare and Development (DSWD) na palakasin ang mga hakbang sa child protection matapos ang serye ng mga insidente ng karahasang naganap sa mga paaralan.