Bumalikwas ang Chery Tiggo Crossovers kontra sa Creamline Cool Smashers matapos ang isang five-set thriller, 25-20, 24-26, 21-25, 25-17, 17-15 (3-2), sa 2025 Premier Volleyball League (PVL) Invitational sa PhilSports Arena, Agosto 23.
Dahil sa panalong ito, pumailanlang ang Chery Tiggo sa 2-1 kartada sa dalawang linggong torneo, habang sumadsad naman sa ikaapat na puwesto ang Cool Smashers matapos malasap ang sunod-sunod na pagkatalo (1-2).
Pinamunuan ng pink-jerseyed volleybelles ang huling set sa pamamagitan ng 5-1 offensive run, sa tulong ni Michelle Gumabao na kumana ng tatlong puntos. Ngunit hindi nagpatinag ang Crossovers, sa bisa nina Renee Peñafiel at Ara Galang na bumomba ng service aces at matatalas na drops upang maselyuhan ang panalo.
Sa unang set pa lang, nagsilbing jack of all trades si Galang sa pamamagitan ng mala-barikadang depensa at mabibigat na opensa upang makopo ang upper hand, 25-20. Gayunpaman, bumawi ang Creamline nang maagaw ang dalawang sets sa pamumuno nina Alyssa Valdez at Jema Galanza, na muling nagbigay ng pag-asa sa koponan.
Mabilis namang sumagot ang Chery Tiggo sa ikaapat na set, ikinandado ang walong puntos na bentahe upang maipuwersa ang decider, 25-17. Sa huli, tinuldukan ng Crossovers ang sagupaan sa iskor na 17-15, sa tulong ng kombinasyong 38 puntos nina Galang at Peñafiel.
Umukit si Peñafiel ng 18 puntos at 3 blocks, dahilan upang siya’y maitanghal na Player of the Game.
Ayon sa koponan, determinado silang ipagpatuloy ang mainit na kampanya sa natitirang bahagi ng torneo.