Patuloy ang pagbabantay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Ayungin Shoal matapos matagumpay na naitaboy ang mga pwersang pandagat ng Tsina, ayon kay AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr., nitong Agosto 24.
Aniya, nilagay ng mga barkong Tsino ang kanilang mga lambat sa shoal kaya inutusan ng Western Command ng AFP na putulin ang mga ito upang mapanatiling malaya ang galaw ng mga tropa sa lugar.
Bukod dito, bahagi rin ng operasyon ang paghahanda para sa nalalapit na resupply mission patungong BRP Sierra Madre.
Iginiit ng AFP Chief na karapatan ng bansa ang maghatid ng suporta sa outpost nito at nananatiling positibo sila na igagalang ng Tsina ang kasunduan na itinakda ng Department of Foreign Affairs (DFA) hinggil sa resupply missions.
“Ngunit palagi kong pinapaalala sa ating mga tropa na karapatan natin ang maghatid ng suporta sa BRP Sierra Madre,” saad niya.
Kasabay nito, nakilahok ang AFP sa Exercise Alon kasama ang Australian Defence Force at Royal Canadian Navy sa West Philippine Sea, kanluran ng El Nido, Palawan.
Ayon kay Brawner, mahalaga ang drills na ito upang masanay ang depensa ng Kanlurang Karagatan, lalo na sa Palawan.
Bagaman may presensiya pa rin ang mga barko ng Tsina sa paligid ng Ayungin Shoal, mas malayo na sila mula sa BRP Sierra Madre.
Aniya, “Patuloy silang nandoon, ngunit napalayo natin sila sa mismong shoal.”