“Nangako siya.”
Iyon ang pinanghawakan ng marami. Iyon ang pinaniwalaan ng mga tagahangang mula umpisa’y nandoon na sumubaybay sa bawat update, naghintay sa bawat chapter, nagbunyi sa bawat kilig ng I Love Since 1892. At higit sa lahat, iyon ang pangakong inukit ni Binibining Mia mismo na kapag hindi MarNella, huwag na lang.
Pero ngayon, eto tayo. Nakatayo sa harap ng isang proyektong tinuloy kahit malinaw ang dati niyang sinabi. At masakit na hindi lang dahil hindi nakuha ang gusto naming tambalan. Masakit dahil pinangakuan kami. Tapos hindi tinupad. Para saan? Para sa pera?
Mahirap hindi magtanong. Kailangan ba talagang isuko ang pangarap kapalit ng pagkakataon? Nasaan na ang sinasabi niyang hindi niya kayang isuko ang boses niya para lang sa exposure? Noon, si Mia ang tinig ng mga manunulat na naninindigan sa prinsipyo. Siya ang nagsabing hindi lahat ay mabibili. Siya ang unang nagsabi: “Kung hindi MarNella, huwag na lang.” Kaya bakit tinuloy pa rin?
Oo, maaaring hindi ganun kadali ang desisyon. Baka may pressure. Baka may kontrata. Baka may mga bagay na hindi naming alam. Pero kung ganoon nga, bakit kailangan pang magbitaw ng matitibay na salita noon kung hindi rin pala paninindigan sa dulo? Sa harap ng salapi, ng oportunidad, at ng posibilidad ng kasikatan, tila nalunod ang pangakong iyon sa katahimikan ng kompromiso.
Hindi namin hinihingi ang imposible. Hindi namin sinabi na kami ang dapat masunod. Pero kung ang mismong may-akda ang nagsabing hindi siya papayag, tapos siya rin ang tumuloy kaya paano pa kami maniniwala? Anong halaga pa ng mga salitang binitawan niya noon kung sa huli, ang tanong lang pala ay “magkano?”
Ang pinakamasakit ay hindi lang ‘yung hindi nakuha ang gusto namin. Ang pinakamasakit ay ‘yung makitang binitawan niya rin kami. Iniwan niya rin ang prinsipyo niya, iniwan niya ang paninindigan, at pinili ang katahimikan ng "oo" kaysa sa ingay ng pagtutol.
Mahal pa rin namin ang kwento. Mahal namin ang mga tauhan. Pero sa ngayon, hindi namin alam kung mahal pa ba kami ng may-akda. Dahil sa puntong ito, parang hindi lang ang kwento ang naibenta, kundi pati ang tiwala ng mga taong unang naniwala.