𝘃𝗶𝗮 𝗟𝗶𝗮𝗻𝗲 𝗝𝗮𝘇𝗺𝗶𝗻𝗲 𝗚. 𝗦𝗮𝗹𝘂𝗱𝗼, 𝗣𝗿𝗲𝘀𝘀𝗿𝗼𝗼𝗺 𝗣𝗛
Ayon sa Department of Health (DOH), matatagpuan na ang presyo ng mga gamot sa eGovPH app. Alinsunod ito sa Universal Health Care Law kung saan—masisigurong makakamit ng mas maraming indibidwal ang dekalidad na gamot.
Ang eGovPH app ay isang “one-stop digital platform” na nagbibigay sa mga Pilipino ng kakayahan upang i-access ang mga serbisyo ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno. Ito ay maaaring gamitin kahit kailan pa, basta’t kinakailangan ng mga Pilipino.
Batay sa isang pag-aaral mula sa Philippine Institute for Development Studies noong 2017, mayroong hindi pantay na access sa mga medikasyon. Isa sa mga pangunahing salik ay ang maliit na kita o kahirapan ng karamihan sa mga Pilipino.
Bilang posibleng tugon, ang bagong “feature” sa eGovPH na tinatawag na “Drug Price Watch ” ay nagbibigay ng oportunidad upang ikumpara ang presyo ng iba’t ibang medisina—na nagiging dahilan upang i-promote ang mga mas murang pagpipilian.
Ang publiko ay inaabisuhan na bumili ng mga generic na gamot dahil maaaring makatipid ng aabot sa 90%. Dagdag pa rito, ang pagiging epektibo ng gamot ay napanatili gaya lamang sa mga branded na pagpipilian.
Ang absorption ng mga generic na gamot ang isa sa mga pangunahing pagkakaiba nito sa mga branded. Ayon sa Makati Medical Center noong 2020, ang mga manufacturer ng gamot ay maaaring mag-file ng generic na bersyon na may tinatayang 3.5% na pagkakaiba pagdating sa absorption ng branded na gamot. Nabanggit din na nakabatay sa katawan ng tao ang pag-absorb ng generic na gamot dahil sa “coat” ng tablet.
FDA-approved ang mga generic at karaniwang ginagawa nang may parehong pamantayan sa mga branded. Kaya naman, tinitiyak ng DOH na makatutulong ang mga gamot na ito sa pagkakaroon ng mura at dekalidad na solusyon laban sa mga sakit.
Lalong mas mapabibilis ang paghahanap ng angkop na gamot dahil ang Drug Price Watch ng eGovPH ay maaaring i-access sa pamamagitan lamang ng mabibilis na hakbang: mag-register gamit ang email o phone number, hanapin ang “NGA” o National Government Agencies sa dashboard ng app, i-search ang DOH, at saka hanapin ang Drug Price Watch.
Sa Drug Price Watch, maaaring ilagay ang pangalan ng medikasyon at tukuyin kung gaano kalayo ang botika na ninanais bilhan ng gamot.
Bilang paalala, saad ng DOH na mahalaga ang pagsunod sa preskripsyon ng doktor upang maiwasang lumala ang mga kondisyon tulad ng diabetes at hypertension. Ating tandaan na kalusugan ay kayamanan!