𝘃𝗶𝗮 𝗖𝘆𝗮𝗻𝗻𝗲 𝗦𝗵𝗮𝗿𝗺𝗶𝗹𝗮𝗵 𝗦𝗲𝗹𝗲𝗶𝘇𝗮 𝗣𝗮𝘁𝗿𝗼𝗻𝗼, 𝗣𝗿𝗲𝘀𝘀𝗿𝗼𝗼𝗺 𝗣𝗛
Iginiit ng Malacañang na hindi uurong ang administrasyong Marcos sa pagtindig para sa soberanya at karapatan ng bansa sa West Philippine Sea.
Ayon kay Undersecretary at Press Officer ng Malacañang na si Atty. Claire Castro, naninindigan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipagpapatuloy ang lahat ng hakbang para maprotektahan ang teritoryo ng Pilipinas.
“Parang nadinig na po natin iyan noong nakaraan pa, na ang sinasabing arbitral award ay isang papel na dapat lamang ibasura. Hindi po ganyan ang paningin at pananaw ng kasalukuyang administrasyon,” pahayag ni Castro.
Binigyang-diin din niya na ang 2016 Arbitral Award, ay isang tagumpay para sa Pilipinas at hindi ito basta-basta isusuko sa kabila ng mga bantang kinakaharap.
'“Isang tagumpay po na mapaalam sa buong mundo kung no ang pinaglalaban natin at kung ano ang para sa Pilipinas at para sa taumbayan. Muli, ang Pangulo, hindi isusuko ang soberanya, ang karapatan ng bansa at ng taumbayan kahit kanino pa man,” ani Castro.
Sa datos mula Pulse Asia, lumalabas na 73 porsyento ng mga Pilipino ang pabor sa matibay na paninindigan ng gobyerno sa isyu ng West Philippine Sea.
Higit pa rito, nanawagan si Defense Secretary, Gilbert Teodoro sa pagkakaisa ng bansa sa pagharap sa mga banta sa soberanya.
Binanggit ng Palasyo na kabilang sa estratehiya ang pagpapatibay sa Armed Forces of the Philippines at Philippine Coast Guard para mapanatili ang seguridad sa lugar.