Inaasahan ng Department of Tourism (DOT) na magdudulot ng mas malaking kita at mas maraming trabaho ang paglunsad ng ‘One Visayas’ tourism circuits, matapos itong pormal na inilunsad sa SMX Convention Center sa Pasay City, nitong Setyembre 6.
Binubuo ang programa ng tatlong pangunahing tour circuit: (1) United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) Heritage and Gastronomy Trails, (2) Diving Expeditions, at (3) Heritage Trails and Cultural Discoveries, na inaasahang magpapasigla ng negosyo sa mga hotel, restaurant, transportasyon, at maliliit na mga tindahan sa Visayas.
Ayon kay DOT Western Visayas Regional Director Crisanta Marlene Rodriguez, ang bagong inisyatiba ay magpapalakas ng ugnayan sa mga probinsya at lilikha ng karagdagang oportunidad para sa mga lokal na komunidad, lalo na sa sektor ng pagkain at serbisyong pang turismo.
Dagdag naman ni DOT Eastern Visayas Regional Director Karina Tiopes, matagal na itong pinaplano, ngunit ngayon lamang naisakatuparan dahil sa mas pinahusay na flight network, road linkages, at suporta mula sa mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor.
Inaasahan ng DOT na makakalikha ang One Visayas circuits ng libo-libong trabaho sa mga lungsod at bayan na kabilang sa ruta, habang inaakit ang mas maraming lokal at dayuhang turista sa mga destinasyon kagaya ng Iloilo, Bacolod, Cebu, Bohol, Samar, at Tacloban.