“Magsipag ka at lumaban nang patas, aangat ka at may mararating sa buhay.”
Halos duguan na ang tainga ko sa gasgas ng habiling ito mula sa magulang ko,
pero kahit ganoon, pundasyon pa rin ito ng araw-araw kong dedikasyon na magsikap at magpatuloy.
Madalas nila itong ipaalala tuwing hapunan,
habang sa upuan ng hapag ay kumpleto at nakabukas ang telebisyon.
Balita na naman tungkol sa nawawalang pondo ang kukuha ng aking atensyon,
marahas na pagdepensa naman ang sagot ng opisyal na kasangkot.
Magugulat at matatawa ka na lang sa kaniya-kaniyang rason upang makalusot.
Kahit bakas na ang panlilinlang sa tatak ng kanilang luxury bag,
kung isasangla’y kaya nang pakainin ang daan-daang pamilya.
Habang tayo, ito “patas”, dapat bumili ng bagaheng magtatagal, mas matibay pa sa apat na taon ng pagiging kolehiyala, at kung posible'y aabot pa ng kolehiyo.
Kahit bakas na ang panlilinlang sa pakikipag-unahan ng kanilang rumaragasang sports car,
na tila sa kanila’y koleksyon lang ng mga pambatang laruan.
Habang tayo, ito “patas”, pilit sumasampa sa sahig ng tren na halos maihahalintulad na sa bote ng sardinas, makauwi lang.
Kahit bakas na ang panlilinlang sa lantad na presyo ng kanilang bawat kasuotan,
mga botang nyebe sa turistang bansa lang ang inaaapakan.
Habang tayo, ito “patas”, baha sa ‘di matapos tapos na kalsada ang tatahakin, bitbit sa kamay ang sapatos, at suot naman ang gomang bota.
Gagawin nila ang lahat huwag lang managot sa harap ng milyon-milyong Pilipinong dugo’t pawis ang katumbas ng bawat barya ng kanilang buwis.
Paano ba tayo lalaban at mananatiling patas kung bawat subok natin tayo’y dinadaya?
Paanong narating nila ang buhay na higit pa sa inaasam ng karamihan; gayong hindi naman sila ang naghikahos nito?
Tila isang sampal sa bawat Pilipino ang buhay na kailanma’y hindi mailalarawan ng salitang “marangya.”
Ilan pa ang binulag ng katotohanang hindi makaraos sa buhay dahil ang sipag nila’y hindi sapat.
Hindi ba’t nakahihiyang imbes na tayo at ang bansang ito ang pagsilbihan nila’y nagpapakasasa lang sila sa limpak na pera mula sa mga manggagawa?
Magsipag ka at lumalaban nang patas —sa kabila ng lahat, ito ang aking nanatiling panata.
Ngunit sa pagkakataong ito, hindi lang patas ang magiging laban ko,
kasama na rito ang aking paninindigan at igting ng pusong Pilipino.
Dahil walang dapat makuntento sa mga buwayang walang ibang inaksyunan kundi ang pagpapataba ng kani-kanilang bulsa para sa makasariling benepisyo.