Ilang bagyo na ang dumaan, lubog pa rin ang mamamayan. Ngunit bakit patuloy na yumayaman ang mga mayayaman?
Tuwing may bagyo, lubog na naman ang mga Pilipino. Pangunahing laman na naman ng balita ang lungsod ng Marikina at lalawigan ng Rizal, bilang isa sa mga una at matinding napinsala. Bakit ba ganito pa rin ang epekto sa mga lugar na ito, gayong malapit naman sila sa kabundukan ng Sierra Madre?
Kinakaskas kasi na parang keso ang kabundukang ito.
Kilala bilang “likas na panangga” ng bansa ang Sierra Madre. Ito ang unang humaharap sa hagupit ng mga bagyo mula sa Karagatang Pasipiko. Ang kaniyang matataas na bundok ay sumasalo ng hangin at ulan, binabawasan ang tindi ng pinsala sa mga kalupaan at kabahayan sa kaniyang likuran.
Ngunit sa pagdaan ng panahon, unti-unting humihina ang pananggalang na ito. Ang dating matitibay na harang ay nagiging marupok, dulot ng walang habas na quarrying, deforestation, at mabilis na urbanisasyon.
Isa si Thrisia Macahilig, residente ng Patiis, San Mateo, Rizal, sa mga nakaranas ng matinding pagbaha dulot ng Bagyong Dante. Marami sa kaniyang mga kababayan ang lubhang naapektuhan ng bagyo, lalo na ng kulay-putik na baha. Ayon sa kaniya, bagama’t isinisisi ng marami sa quarrying ang matinding pagbaha, marami pang ibang posibleng dahilan nito.
Tuwing may malalakas na bagyo tulad ng Ondoy (2009), Ulysses (2020), Enteng (2024), at kamakailan lamang si Dante, mabilis ang pag-agos ng tubig mula sa mga watershed ng Sierra Madre. Ayon sa mga eksperto, ang runoff ay lalo pang bumibilis dahil sa pagkasira ng kagubatan at pagbabara ng mga tributaries dulot ng sedimentasyon — mga isyung pinalalala ng quarrying activities sa lalawigan ng Rizal. Ang resulta? Malawakang pagbaha sa mabababang lugar ng Marikina, Antipolo, San Mateo, at Cainta.
Ayon sa Kalikasan People’s Network, mahigit 10,000 ektarya ng forest cover ang nawala sa
Rizal sa nakaraang dekada. Ngunit sa kabila nito, tuloy pa rin ang operasyon ng ilang quarry companies na sinasabing may mga permit mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Bagama’t sinabi ng Mines and Geosciences Bureau, na maliit lamang ang kontribusyon ng quarrying sa kabuuang pagbaha na humigit-kumulang 1%, mariin ang paninindigan ng mga environmental groups at mga lokal na residente na hindi ito usapin ng porsyento, kundi ng prinsipyo at epekto.
"Itigil na nila [ang quarry] kasi sinisira nila ’yong bundok na proteksyon sana ng mga tao sa calamities," panawagan ni Thrisia sa kinauukulan.
Ngayong taon, muling umapela si Rizal Governor Nina Ynares, sa pambansang pamahalaan upang magpatupad ng moratorium laban sa quarrying operations sa lalawigan. Ayon sa kaniya, mula pa noong 2010, ay malinaw na ang pagtutol ng kanilang pamahalaang panlalawigan sa mga permit na ito.
Sa kabila ng ilang dekadang pamumuno ng mga Ynares sa Rizal, wala pa ring konkretong
pagbabago o solusyong nangyari ukol sa quarrying. Ang paulit-ulit na "panawagan" ay tila naging bahagi na lamang ng script tuwing may sakuna.
Ilang dekada nang nagpapatuloy ang quarry sa Rizal, at ngayo’y dama na ang epekto nito, at sa bawat hukay na kanilang ginagawa sa kabundukan, may isang mamamayang nalilibing.
Lulan na ng mga mayayaman ang katas ng oportunidad sa bansa, ngunit patuloy pa rin ang ganitong patakaran: mamamayan ang nagdurusa sa singil ng kalikasan habang patuloy pa rin ang panggagatas ng mga mayayaman sa kabundukan.