Sa panahong ginagawang aliwan ang kasinungalingan at tahimik ang karamihan sa harap ng katiwalian, may iilan pa ring tumitindig, hindi para sumikat, kundi para sumalungat. Sila ang mga mamamahayag. Mga tinig na hindi binabayaran ng pag-oo, kundi pinapalakas ng pagtanggi. Hindi sila santo. Hindi rin sila perpekto. Pero sa bawat tiklop ng dyaryo, sa bawat boses sa radyo, sa bawat ulat sa telebisyon at online, dala nila ang misyon na ipagsigawan ang totoo kahit mas madaling manahimik.
Hindi madaling maging tagapagsalita ng katotohanan sa mundong binuo sa kasinungalingan. Minsan, mas gusto ng tao ang balitang magaan kaysa balitang makabuluhan. Mas gusto nila ang drama kaysa datos. Mas madalas pang mag-viral ang tsismis kaysa katotohanan. Pero ang tunay na layunin ng pamamahayag ay hindi makuha ang palakpak ng madla, kundi ang mata ng lipunan na kayang makakita kahit na madilim ang paligid.
Hindi ito kwentong tungkol lang sa media. Ito ay salamin ng kalagayan ng bayan. Kapag malaya ang pamamahayag, malaya ang mamamayan. Kapag pinipilit patahimikin ang media, unti-unting nawawala ang karapatang umangal, magtanong, at kumwestyon. At kapag wala ka nang alam kundi ang script ng nasa taas, paano mo malalaman kung inaapi ka na pala?
Ang kalayaan sa pamamahayag ay hindi pabor. Hindi pribilehiyo. Isa itong karapatan na may kasamang pananagutan. Pananagutang ipagtanggol ang totoo kahit masakit. Pananagutang isiwalat ang mali kahit magalit ang makapangyarihan.