Habang buwis-buhay ang paghahanap ng trabaho ng mga mamamayan, patuloy naman ang tila walang katapusang dagok ng sistemang dapat sana’y nagsisilbi sa kanila. Bitbit ang sangkatutak na pag-asa, araw-araw silang umaasa na sa bawat hakbang ng kanilang mga paa ay hindi sila bibiguin ng tadhana.
Hindi alintana ang pagmamalupit ng hanging tila handang tangayin pati ang kanilang mga pangarap. Walang saysay ang panganib na dulot ng ulan at baha—patuloy nilang sinusuong ang delubyong puwedeng lunurin maging ang kaunting pag-asang kanilang pinanghahawakan. Sa mumunting sinag ng posibilidad, doon sila humuhugot ng lakas at motibasyon. Baka ngayon. Baka ngayon, sa wakas, umayon na ang tadhana.
May iba namang kumakayod-kalabaw, pinipilit lagyan ng laman ang kumakalam na sikmura ng pamilya. Sa bawat sentimong kinikita, may katumbas na pawis, pagod, at panalangin.
Ngunit nitong Hunyo 22, araw ng Lunes, nagdeklara ang gobyerno ng class and work suspension—mula elementarya hanggang kolehiyo, at pati na rin sa mga tanggapan ng pamahalaan. Isang anunsyong ikinasaya ng maraming mag-aaral, ngunit ikinabahala ng mga manggagawang arawan ang sahod.
Sa isang post ng DILG Philippines, isang linya ang agad umani ng batikos:
“Para sa mga immortal na namamasukan, bahala na ang mga boss niyo. Sila ang nakakaalam kung kinakailangan ng hanapbuhay.”
Isang nakakunot-noong pagtugon ang naging reaksiyon ng bayan.
Dapat ba talagang pagtawanan ang isang bagay na maaaring maging sanhi ng iyak ng isang sanggol? Nararapat bang gawing biro ang isang sitwasyong maaring magdulot ng hikbi ng isang inang gutom ang anak? Ayos lang bang ipagsawalang-bahala ang pagkalam ng sikmura ng isang pamilyang nawalan ng kita dahil sa isang araw na walang pasok sa trabaho?
Pagkadismaya, galit, at lungkot ang bumalot sa damdamin ng marami—hindi dahil sa bagyo, kundi sa mas malalim na dahilan: ang sistema. Ang pahinga sanang inaasahan ng mga mamamayan ay nauwi sa pagkadismaya at pagkaduda sa sistemang pinaniniwalaan nilang dapat kumakalinga. May pakialam ba talaga ang mga namumuno? Bakit tila ginagawang biro ang isang araw na kawalan ng sahod ng mga manggagawa?
Kailanma’y hindi katawa-tawa ang gutom. Hindi biro ang mawalan ng kita. At sana’y maunawaan ng lahat: hindi lahat ng biro, nakakatawa.
Sa panahong ang kabiguan ay pinipilit takpan ng katatawanan, sana’y matutunan natin kung kailan angkop ang pagpapatawa—at kung kailan kailangan ng kaseryosohan.