𝘃𝗶𝗮 𝗥𝗲𝗲𝗷𝗮𝘆 𝗗𝗲 𝗝𝗲𝘀𝘂𝘀, 𝗣𝗿𝗲𝘀𝘀𝗿𝗼𝗼𝗺 𝗣𝗛
Sa bawat butil ng palay na inaani sa Nueva Ecija, nakaukit ang pawis at sakripisyo ng libo-libong magsasaka. Sa lalawigang tinaguriang "Rice Granary of the Philippines," tila isang kalokohan na ang mismong nagtatanim ng bigas ay siyang naghihirap na mabuhay.
Mula sa matitinding init ng araw hanggang sa pagbabad sa putikan, walang oras na hindi inilaan ng mga magsasaka para sa tanim na siyang bumubuhay sa milyon-milyong Pilipino. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, muling bumagsak ang presyo ng palay ngayong taon, na nagdulot ng matinding dagok sa kanilang kabuhayan.
Batay sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba ang average farmgate price ng dry palay sa Nueva Ecija sa P19.51 kada kilo noong unang bahagi ng 2025. Malayo ito sa P28.38 kada kilo na presyo noong nakaraang taon. May mga ulat pa mula sa ilang bayan tulad ng Cabiao, San Antonio, at Guimba na umaabot lamang sa P10 hanggang P14 kada kilo ang bentahan. Sa ganitong halaga, hindi na nababawi ng mga magsasaka ang kanilang ginastos para sa binhi, abono, pestisidyo, at upa sa makinarya. Sa halip na kumita, lugi pa sila.
Dahil sa kawalan ng sariling drying facilities at storage, napipilitan ang mga magsasaka na ibenta ang kanilang palay sa mga middlemen o traders, kadalasang sa mas mababang presyo. May mga pagkakataon pang nang-aabuso ang ilang ahente at nangangakong bibilhin sa mataas na presyo ngunit bigla ring nawawala kapag panahon na ng anihan. Sa huli, napipilitan ang magsasakang tanggapin ang alok na pinakamura, para lang hindi masayang ang kanilang ani.
Habang bumabagsak ang presyo ng palay sa bukid, nananatiling mataas naman ang presyo ng bigas sa merkado, na umaabot ng P45 hanggang P60 kada kilo.
Malaking bahagi ng kita ay napupunta sa mga nasa gitna ng sistema, habang ang mga tunay na nagtatanim ay halos wala nang natitira sa kita. Sa ganitong kalakaran, sino ba talaga ang nakikinabang?
Upang masolusyonan ang krisis, inihayag ng Department of Agriculture (DA), ang pagbili ng gobyerno ng fresh palay sa halagang P18 kada kilo at ng dry palay sa P23–P25 kada kilo. Gayunman, limitado ang pondo ng NFA at hindi nito kayang abutin ang lahat ng nangangailangang magsasaka. Sa Nueva Ecija, sinimulan naman ang Palay Price Support Program kung saan bumibili ang lokal na pamahalaan ng palay sa P15 kada kilo. Bagama’t makatutulong ito sa ilang barangay, malawak ang lalawigan at hindi lahat ay naaabot ng ganitong inisyatiba.
Panawagan ng mga magsasaka ang mas malawakang suporta mula sa pamahalaan: subsidyo para sa makinarya, post-harvest facilities, pautang na may mababang interes, at regulasyon sa operasyon ng mga middlemen. Higit pa sa programa, kailangan ng pangmatagalang solusyon. Dahil habang hindi kontrolado ng magsasaka ang presyo ng produkto, mananatiling mahina at vulnerable ang kabuhayan.
Hindi sapat ang isang beses na pagbili o pansamantalang ayuda. Kailangan nating kilalanin na ang bawat butil ng palay ay bunga ng pawis, sakit ng likod, at mga gabing walang tulog.
Hindi lang ito produkto; ito ay buhay. Buhay ng isang pamilya. Buhay ng isang bansa.
Kung gusto nating umunlad ang Pilipinas, hindi natin puwedeng iwan ang magsasaka sa likod. Kailangang ang pag-unlad ay sabay-sabay, mula palayan hanggang pamilihan. At kung sa ating mga hapag-kainan ay busog tayo, huwag din nating hayaang ang mga nagtanim ng ating pagkain ang siya namang gutom.