via Liane Jazmine G. Saludo (Jaztice)
Sa kabila ng komportableng pag-upo nila sa mga kotseng magagarbo, lumulusong na sa baha ang kanilang kapuwa Pilipino. Lumulutang sa bawat artikulo ang kanilang pagkakakilanlan bilang mga kontratista—ngunit kontratista nga ba o ‘di hamak na “buwaya?” Hindi lahat ng tao ay humihiling na magkaroon ng halos tatlumpu na luxury cars—minsan ang tanging hiling lamang nila ay umahon na sa nakalulunod na paghihirap.
Isa sa mga prominente na personalidad ngayon ay si Sarah Discaya. Isa sa napakaraming kontratista na kasalukuyang nabubuking sa korap na akto. Magkaroon pa man ng daan-daang hearing—inilubog niya na ang kaniyang sarili.
Nang matanong ni Julius Babao kung ano ang naging daan ng pamilyang Discaya tungo sa pagyaman, “DPWH“ ang tugon niya na tila ba’y ang ahensya na ito ay nagmumukhang “hustle.” Naka-iinspire? Hindi. Nakasasakit lamang ng sikmura, na para bang hindi pa sapat ang dinadanas ng taumbayan.
Isipin mo…pagpindot mo sa Youtube ng mga “interbyu” ni Discaya—bubungad sa mga mata mo ang mansyon at babati sa mga tainga ang banggit ng mga magagarbong kotse. Kikilabutan ka na dahil una sa lahat—hindi etikal na ipagmarangya pa ng mga tulad nila ang mga bagay na alam nating ‘di kailanman mahahaplos ng ordinaryong Pilipino. Pangalawa, simpleng nakatatakot ang luho nila.
Depensa pa ni Discaya ay “spliced” ang bidyo. Teka lamang, hindi pa natin nalilimutan na kasasabak niya lamang sa isang isyu tungkol sa pagbabayad niya sa mga “journalist” na ito. Lagi talagang may “plot twist.”
Ngayong nailantad na ang totoong anyo nilang mga “burgis,” lahat ng mamamayan ay todo sa pagbibigay ng reaksyon. Samantala, ang gobyerno, bakit ngayon lamang din maglalabas ng kani-kanilang mga hinaing? Hindi naman na ito bago. Sadyang ngayon lamang naibukas sa publiko. Kung ang mga proyekto’y mga multo, nakapagtataka kung kamakailan lamang makikita—kung dati pang maraming may pangatlong mata.
Labis na paghahangad na lamang na maging sapat ang imbestigasyon upang mabigyang pananagutan ang mga may sala. Isang mataimting na pagnanasa na hindi na muling maging isang palabas ng gobyerno upang takpan ang dadagdag pa ang rebelasyon at anomalya.
Kailan nga ba matatanaw ang pagbabago at kailan maisakatutuparan ang mga proyekto? Higit sa lahat, bakit ba patuloy ang pagbibigay ng mga responsibilidad at posisyon sa gobyerno ang mga taong maya-maya’y may alegasyon ng korapsiyon at pandaraya?
Ang masama pa rito ay ang pilit na pagtanggi kahit nakalatag na ang mga “red flags.” Kung walang katapusan na sasabihin ni Discaya na wala na siyang koneksyon sa mga kontratista—mabubura ba nito ang sabwatan na naganap sa ahensya ng DPWH para sa yaman nila? Sa simpleng salita, hindi.
Sa huli, ang mga proyekto ng DPWH ay dapat na para sa ikabubuti ng bayan, hindi para sa luho ng iilan. Dapat nating ipaglaban ang pananagutan sa bawat proyekto at nang matiyak na ang pondo ng bayan—ay nagagamit nang wasto at sa makabuluhang paraan.