𝘃𝗶𝗮 𝗥𝗲𝘂𝗯𝗲𝗻 𝗜𝗮𝗻 𝗜𝗻𝗼𝗰𝗮𝗻𝗱𝗼, 𝗣𝗿𝗲𝘀𝘀𝗿𝗼𝗼𝗺 𝗣𝗛
Hindi kailanman bitbit ang armas, pero dala nila ang panulat. Hindi sila naghahabol ng trending, kundi naghahanap ng siksik na katotohanan.
Sa panahon kung saan mas mabilis pang kumalat ang kasinungalingan kaysa puno ng katotohanan, may mga kabataan na tahimik ngunit matapang na lumalaban.
Hindi sila nakasuot ng uniporme ng sundalo, pero bitbit nila ang responsibilidad ng isang makabayan. Hindi sila nagpapaligsahan sa likes, shares o nang gaano ito sisikat? Dahil alam nilang hindi sukatan ng tama ang dami ng nag-click, kundi kung gaano katibay ang pinanghahawakang prinsipyo.
Campus journalists — mga mamamahayag na kahit musmos pa sa edad, mulat na sa bigat ng kanilang papel. Sa panahong sinasalaula ang balita. Sa bawat letrang isinusulat nila, pinipilit nilang ituwid ang baluktot na pakulo ng bansa, iwasto ang mali, at ilantad ang purong totoo.
Hindi na bago sa ating mga mata, ang pagkalat ng pekeng balita — mga maling impormasyong inilalako sa social media, pinalulusot sa maruruming pamahalaan, at pinagkakakitaan ng mga mapagsamantala.
Nakakalungkot mang isipin, pero sa panahon ngayon, hindi na sapat ang matalas na pag-iisip. Kinakailangan ng tapang, disiplina, at paninindigan upang mapagtagumpayan ang daluyong ng kasinungalingan.
Marami ang nalilinlang, marami ang naaakit sa trending kahit ito’y halatang imbento lamang. Sa isang bansang tila alipin ng social media, minsan mahirap ipilit ang katotohanan kung mas pinapaboran ng iba ang kasinungalingan.
Ngunit sa kabila ng dilim na ito, may mga ilaw na patuloy na sumisindi. Sila ang mga kabataan sa mundo ng campus journalism. Hindi man kasing lakas ng malalaking pahayagan ang kanilang tinig, hindi man sumisigaw sa milyon-milyong audience, nananatili silang tapat sa kanilang propesyon: ang maghatid ng totoo.
Mula sa kanilang simpleng pahayagan sa paaralan, sa mga dyaryo, newsletter, o digital platforms, pinipilit nilang linisin ang putik ng pekeng balita. Hindi nila hinahangad ang palakpakan. Hindi nila layunin ang papuri. Sapat na sa kanila ang marinig ang isa, dalawa, o higit pang kabataan na muling natuto kung paano maging mapanuri — kung paano magtanong, at kung paano humanap ng sagot.
Ang kanilang tinta ay panangga. Ang kanilang papel ay sandata. At ang kanilang boses ay hindi basta marupok — dahil ito ang boses ng kabataang mulat sa issue na kumakalat.
Kung may panahon mang sumubok magpabagsak sa tama, ito na marahil iyon. Ngunit kung may panahon din upang patunayan ng kabataan na kaya nilang lumaban, ito rin iyon. Sa bawat pagsulat, bawat saliksik, at bawat pagtatanggol nila sa katotohanan, pinapatunayan nilang hindi lahat ay sumusuko sa maling agos ng lipunan.
Hindi lahat ng nababasa mo ay totoo. Hindi lahat ng trending ay tama. At hindi lahat ng kabataan ay nakikisabay sa agos ng mali.
May ilan na pinipiling maging ilaw sa gitna ng dilim. May ilan na, kahit tahimik, ay matatag. At may ilan na kahit kabataan, ay tunay na mamamahayag — handang humawak ng panulat at itaya ang tinig para sa liwanag ng katotohanan.
Dahil sa dulo, hindi trending ang sukatan. Katotohanan pa rin ang pinakamahalaga sa laban.