via Ariel Jansen Almendra, Pressroom PH
Sa mga aklat ng kasaysayan na aking natunghayan, iilang pangalan lamang ang palaging lumulutang—sina Rizal, Bonifacio, Aguinaldo, at ilan pang itinuturing na bayani. Sila'y ipinagdiriwang, isinulat, at itinampok. Ngunit ano nga ba ang batayan upang maituring na karapat-dapat na maisama sa kasaysayan?
Ang pagiging makapangyarihan? Ang pagkakaroon ng koneksyon at kakayahang makatawid sa pangangailangan?
Kung ganito ang pamantayan, kasaysayan pa ba ito ng sambayanang Pilipino kung ang ibang tinig ay nananatiling nakatago, hindi nabibigyang puwang sa mga pahina?
Kung titingnan natin, madalas ay ang mga nasa mataas na posisyon lang ang nabibigyan ng puwang sa aklat.
Halimbawa, sa panahon ng Himagsikan, paulit-ulit na binabanggit ang mga heneral at lider, pero bihirang marinig ang pangalan ng mga magsasakang nagdala ng itak, o mga kababaihang nagtago ng mga rebolusyonaryo sa kanilang mga bahay. Sa panahon ng Martial Law, laging iniisa-isa ang mga politiko at kilalang personalidad na lumaban, pero paano ang libo-libong manggagawa, estudyante, at aktibista na nawala, pinatay, o tinortyur—na hanggang ngayon ay walang mukha sa pahina ng aklat.
Parang pilit nilang pinapakinis ang nakaraan. Oo, mahalaga ang mga bayani. Pero paano naman ang mga karaniwang tao na araw-araw naghirap para sa bayan? Kapag Edsa Revolution ang pinag-uusapan, ang laging bukambibig ay ang mga lider at artista, pero hindi ang milyon-milyong ordinaryong Pilipino na naglakad sa kalsada, nagdala ng pagkain, nagdasal, at humarap sa tangke nang walang takot.
Masakit man sabihin, pero malinaw: "sugarcoated" ang kasaysayan. Pinipili lang kung sino ang bida, kung anong parte ang dapat ipakita, at kung anong katotohanan ang dapat itago. Ang tunay na kuwento ng mga Pilipino—mga magsasaka, mangingisda, guro, kabataan, katutubo—ay nananatiling nasa gilid, halos ‘di naririnig.
Sila man ay walang entablado, walang plaza na ginaganapan ng parada o bandera, silang mga bayani ng kasalukuyan. Sila ang bagong mukha ng kasaysayan. Hindi sila matapatan sa talambuhay; sila’y nasasagasaan ng sistema. Pero saan man sila naroroon… sa kalsada, sa baybayin, sa bundok, sa maliit na komunidad—doon sumisigaw ang tunay na kasaysayan.
Kaya ang tanong ko: handa ba tayong tanggapin na hindi lang ito kuwento ng mga nasa itaas? O mananatili tayong nakakulong sa bersyon ng kasaysayang isinulat para paboran ang may hawak ng kapangyarihan?
Ako, bilang isang Pilipino, ayaw kong masanay sa kasinungalingan. Gusto kong marinig ang buong kuwento—ang kuwento nating lahat.