𝘃𝗶𝗮 𝗦𝗮𝗺𝗮𝗻𝘁𝗵𝗮 𝗗𝗲 𝗖𝗮𝘀𝘁𝗿𝗼, 𝗣𝗿𝗲𝘀𝘀𝗿𝗼𝗼𝗺 𝗣𝗛
Butil na sa bulsa’y kumikitil.
Isa ang Pilipinas sa mga pangunahing manlilikha ng bigas sa mundo, sa datos ng Department of Agriculture (DA) mahigit 20.46 milyong tonelada ng palay ang target na malikha ng bansa. Gayunpaman, naglaan ng mahigit 10 bilyong badyet ang pamahalaan upang pagtuunan ng pansin ang mga programa upang mas lalong mapataas ang kalidad ng bigas ng bansa. Subalit, sa kabila nito—hindi maikakailang may problema sa presyo at pagbibigay ng nararapat na benepisyo para sa mga magsasaka ng bansa.
Pagod, dugo, at literal na pawis ang isinasakripisyo ng mga magsasaka upang maibigay ang palay na nagiging bigas na isa sa mga pangunahing pagkain ng bansa. Ito ang isa sa mga nakasanayang kainin ng mga Pilipino, sapagkat 8% ng produksiyon ng bigas sa mundo ay nagmumula sa ating bansa. Kada taon ay mahigit 25 milyong tonelada ng palay ang nalilikha subalit sa paglipas ng mga taon, unti-unting bumababa ang produksiyon nito dahil sa iba’t ibang isyu at sitwasyon ng bansa.
Inilarawan ng Philippine Star ang bigas bilang isang butil na galing sa giniling at nilinis na mga palay mula sa pagsasaka. Karaniwang puti at ito ay madalas na kasalo ng mga Pilipino sa hapag-kainan, malaki ang hektarya ng bansa kaya’t malaki rin ang nalilikha nitong palay.
“Some farmers claim that private traders are blaming the P20 [per kilo] rice program for the drop in prices. That’s simply not true” saad ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. “Every bag of rice sold at P20 [per kilo] frees up space for two sacks of palay, which we can purchase at better prices than what private traders offer” dagdag pa niya.
Sa artikulong inilathala ng Inquirer Net, isinaad rito ang pagkadismaya ng mga magsasaka sa nagaganap na pagtaas ng presyo ng bigas sa mga pamilihan kahit na sapat naman ang produksiyon ng palay o bigas sa bansa. Ayon sa datos ng DA, bumaba sa mahigit 8.4% ang produksiyon ng palay dahil sa iba’t ibang problema kagaya ng sa lupa, sa mga gamit, suplay ng tubig, gayundin ang korapsyon ng pera sa produksiyon ng bigas sa bansa at ang panahon na nararanasan.
Isa sa malaking salik na nakaaapekto ay ang badyet na inilalaan ng pamahalaan—na bakit pagdating sa mga magsasaka ay tikom ang kanilang, bibig ngunit sa mga proyektong pampaganda lang sa mata ay palong-palo magbigay ng badyet. Nakalulungkot isipin na ang mga magsasakang gumagawa ng gintong biyaya ay ang unang hindi nakatitikim ng kanilang ginawa dahil sa taas ng presyo na ayon sa Statista ay umabot na sa mahigit Php. 54.00 ang pinakamurang bigas sa buong Pilipinas. Dahil sa korapsyon na nagaganap damay ang mga magsasaka gayundin ang mga taong nasa laylayan ng lipunan, ipinapakita lang dito na kahit na ang mga bumubuo sa pagkakakilanlan ng Pilipinas ay hindi nabibigyan ng sapat na at atensiyon at mga programa.
Sa presyong hindi abot ng simpleng mamamayan—nagpapakita lamang ito na ang bigas ay isa ng ginto, makukuha lamang kung ikaw ay nakakaalwan sa buhay. Sa kabila ng mga programang inaalok ng DA, gayundin ng pamahalaan kagaya ng subisidiya at tulong upang mapaunlad at mapataas ang kalidad ng palay sa bansa. Subalit, hindi ito ang hangad ng mga modernong tagapagligtas natin, ninanais nila ang pantay na pagtingin, pagdating sa kanilang mga tanim na itinuturing na gintong biyaya ng bawat isa. Ang presyong ipinatong sa mga bigas ay simbolo lamang na hindi naririnig ng pamahalaan ang hinaing at hinanakit hindi lamang ng mga magsasaka gayundin ng mga mamamayan ng bansa.
BIG-as na pataas, hinaing ng bayan ay hindi magwawakas.