𝘃𝗶𝗮 𝗥𝗮𝗽𝗵𝗮𝗲𝗹 𝗥𝘆𝗮𝗻 𝗦𝗲𝗻𝗰𝗶𝗹, 𝗣𝗿𝗲𝘀𝘀𝗿𝗼𝗼𝗺 𝗣𝗛
Isang paranormal investigator ang pumanaw habang ipinapakita si Annabelle, ang sinasabing sinapian na manika na nagsilbing inspirasyon sa 'The Conjuring' horror franchise.
Sa isang pahayag noong Hulyo 15, kinumpirma ng New England Society for Psychic Research (NESPR) ang pagpanaw ng kanilang senior lead investigator na si Dan Rivera.
Ayon sa kanila, pumanaw si Rivera noong Hulyo 13 sa edad na 54.
"We are heartbroken and still processing this loss. Dan truly believed in sharing his experiences and educating people on the paranormal," pahayag ng grupo.
"His kindness and passion touched everyone who knew him. Thank you for your support and kind thoughts during this difficult time," dagdag pa nila.
Sa isa pang pahayag noong Hulyo 16, sinabi ng NESPR na si Rivera ay nakilala sa kanyang integridad, pagiging malikhain, at kagandahang-loob.
"Dan's passion for the paranormal was rooted in a genuine desire to educate, help, and connect with others—whether through social media, conventions, or investigations with local families seeking understanding and peace," ani ng grupo.
Dagdag pa ng organisasyon, bagama’t hindi pa malinaw kung ano ang magiging hinaharap nila nang wala si Rivera, itutuloy pa rin nila ang mga naiskedyul na events ngayong taon.
"We believe with all our hearts that Dan would have wanted the work to continue," saad nila.
Ayon sa ulat ng The Evening Sun, nasa kalagitnaan si Rivera ng “Devils on the Run Tour” kasama ang mga miyembro ng NESPR sa Gettysburg, Pennsylvania, kung saan dinadala nila si Annabelle sa iba’t ibang lugar.
Ngunit pasado alas-8 ng gabi noong Linggo, tinawag ang mga bumbero at medical personnel sa isang hotel sa Gettysburg dahil sa isang ulat na may lalaking kinakailangang i-CPR—na tugma sa edad ni Rivera.
Ayon sa Adams County Coroner’s Office, walang kahina-hinala sa pagkamatay ni Rivera.
Natagpuan din siyang mag-isa sa kanyang silid.
Sa ngayon, wala pa ring tiyak na sanhi ng kanyang pagkamatay at maaaring abutin pa ng ilang buwan ang resulta ng imbestigasyon.