𝘃𝗶𝗮 𝗥𝗲𝘂𝗲𝗹 𝗝𝗼𝘀𝗵 𝗩. 𝗔𝗻𝗱𝗮, 𝗣𝗿𝗲𝘀𝘀𝗿𝗼𝗼𝗺 𝗣𝗛
Isang malaking bato ang gumulong mula sa bundok, at bumagsak sa kalsada ng Camp 7, Kennon Road, na dumurog sa isang bahay at sasakyan, at ikinasawi ng isang alagang aso.
Nangyari ang insidente sa gitna ng pabugso-bugsong ulan dulot ng Bagyong "Crising," bandang 1:15 ng hapon, Hulyo 19.
Ayon kay Charles Bryan Carame, pinuno ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), walang nasaktan sa insidente dahil wala namang tao sa loob ng bahay o sasakyan nang mangyari ito.
Nauna na raw makalikas ang pamilya na naninirahan sa bahay bilang paghahanda sa bagyo.
Ang nasabing sasakyan ay nakaparada lamang malapit sa lugar.
Sa kasamaang-palad, kinumpirma ng Barangay Camp 7 na isang aso, isang exotic bully, ay nasawi sa insidente.
Patuloy na mino-monitor ng mga opisyal ng barangay ang lugar upang masigurong ligtas ito sa mga susunod na araw.
Katuwang sa pagresponde ang Baguio City District Engineering Office at mga tauhan ng CDRRMO.
Ipinasa na ang kaso sa Office of the City Social Welfare and Development (CSWDO) upang matulungan ang mga apektadong may-ari ng ari-arian.
Samantala, nananatiling sarado ang Kennon Road mula noong Hulyo 19, bandang 4:00 ng hapon dahil sa patuloy na pagguho ng mga bato sa entrada ng rockshed, ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH) – Cordillera.