via Rhean Clare J. Brillantes, Pressroom PH
Pumalo sa mahigit 37 milyong piso ang ipinamahagi na tulong at ayuda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga pamilyang naapektuhan ng Severe Tropical Storm Crising at ng Southwest Monsoon (Habagat).
Sa datos na inilabas ng ahensya,.alas-6 ng umaga nitong Linggo, mahigit sa 523,686 indibidwal o 151,012 pamilya sa 1,134 barangay ng bansa ang nasalanta ng matinding pagbuhos ng ulan at baha.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, ang ayuda ay naglalaman ng 53,383 family food packs, ready-to-eat food, and non-food items na naipamahagi na sa mga apektadong pamilya.
“If you remember, we distributed around ₱4 million worth of assistance [on Saturday]. This morning, it reached ₱37 million because of the teamwork of our disaster response personnel from place to place to provide immediate aid to our affected constituents,” aniya.
Patuloy rin umano ang pakikipag-ugnayan ng ahensya sa Local Government Units upang matiyak ang agarang tulong sa mamamayan.
Inihayag naman ng DSWD na 33,608 indibidwal o 9,261 pamilya ay kasalukuyang nananatili sa mga evacuation centers.
Samantala, 99,834 indibidwal o 22,511 pamilya ang tumatanggap ng tulong sa labas ng mga temporary shelters.
Sa ulat ng Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (PAGASA), alas-10 ng umaga nitong Sabado, lumabas na ng Philippine Area of Responsibility ang bagyong Crising.
Gayunpaman, inaasahang mananalasa pa ang habagat sa ilang parte ng bansa hanggang sa susunod na linggo.