𝘃𝗶𝗮 𝗔𝗿𝗶𝗲𝗹 𝗝𝗮𝗻𝘀𝗲𝗻 𝗔𝗹𝗺𝗲𝗻𝗱𝗿𝗮, 𝗣𝗿𝗲𝘀𝘀𝗿𝗼𝗼𝗺 𝗣𝗛
Matagal ko nang hawak ang panulat. Matagal ko nang ipinaglalaban ang tinig ng mga estudyante, ang kwento ng mga nasa silid-aralan, ang hinaing ng mga hindi pinakikinggan. Bilang isang mamamahayag, alam ko ang halaga ng katotohanan. Pero sa likod ng bawat artikulo, may tanong na laging bumabagabag: sapat ba ‘to? Naririnig nga ba kami?
Doon ko unang nasilayan ang Explained PH.
Hindi ako aktuwal na lumapit—sumubaybay lang ako mula sa malayo. Bitbit ko ang kaunting karanasan, pero uhaw pa rin sa mas malalim na dahilan, mas malawak na plataporma, at mas matatag na paninindigan. At iyon ang nakita ko sa kanila.
Hindi lang nila pinalawak ang aking kaalaman. Pinalalim nila ang dahilan kung bakit ako
sumusulat.
Sila ang nagsindi ng apoy sa panulat kong minsang pinanghihinaan ng loob. Sa kanilang mga proyekto at mga inisyatibong itinataguyod ang community journalism, mas lalo kong naunawaan: hindi lang papel at tinta ang sandata natin—kundi ang tiwala ng mamamayan. Ang panulat ng kabataan ay hindi lamang pang-eskuwela. Ito’y para sa bayan. Hindi na ito basta pampaligsahan.
Hindi na ito simpleng libangan. Sa tulong ng Explained PH, ang aking pagiging mamamahayag ay naging panata ng paglilingkod. Panata na magsalita para
sa mga pinatatahimik. Panata na magkwento ng totoo kahit masakit. Panata na itaas ang boses ng kabataan, hindi para mag-ingay, kundi para magmulat. Ngayon, bawat salitang sinusulat ko ay may layunin. Bawat boses na kinakatawan ko ay may dignidad. At bawat paglalathala ay hindi lang kwento ng iba—kundi kwento nating lahat.
Hindi ko sila agad nakilala, pero dahil sa Explained PH, mas tumibay ang dahilan kung bakit hindi ako kailanman hihinto.
Gaya ko, nawa’y sa bawat yugto ng inyong pagmamasid, matagpuan niyo rin ang tapang na manindigan at lumaban.