Sa larawang kumalat kamakailan, isang tarpaulin ang lantaran at buong kumpiyansang nagsasabing: “THANK YOU TAX PAYERS! THIS IS WHERE YOUR TAXES GO!” Isa raw itong paalala ng proyekto para sa flood control wall sa Caloocan at ironiko, dahil habang binabasa mo ang tarpaulin, lubog ito sa baha.
Hindi mo na kailangang maging eksperto para maunawaan ang kalokohan. Ang mismong proyektong pinondohan para pigilan ang pagbaha ay nalulunod sa sarili nitong layunin. Isa itong matinding pang-uuyam sa mukha ng mga mamamayang naghuhulog ng buwis, araw-araw, buwan-buwan, taon-taon.
Ang buwis ay hindi simpleng kaltas sa sahod, ito ay pawis, puyat, at paghihigpit ng sinturon para sa karamihan. Ibinabayad natin ito sa gobyerno bilang investor sa bayan at umaasang may kapalit itong maayos na serbisyo, konkretong proyekto, at tunay na pagbabago. Kaya’t kapag ang ipinagmamalaking proyekto ay nilalamon ng tubig ulan, anong klaseng panloloko ito sa mamamayan? Hindi ba’t parang sinasabi sa atin: “Salamat sa buwis, pero pasensya ka na kung binaha ka pa rin.”
Mas malaki pa ang tarpaulin kaysa sa epekto ng proyekto. At kung iisipin, tila mas prayoridad pa ng ilang opisyal ang makapagpa-picture kaysa masigurong matibay, maayos, at epektibo ang ipinagagawang imprastruktura. Mas madalas nating makita ang pangalan ng politiko kaysa resulta ng proyekto. Bawat kanto may tarp, bawat kalsada may mukha, pero sa tunay na serbisyo, madalas wala.
Bilang isang ordinaryong estudyante na araw-araw sumasakay sa baha, bumabagtas sa sira-sirang kalsada, at gumigising sa tunog ng ulan na parang babala ng sakuna, nakapanlulumo. Hindi ko maiwasang malungkot sa mga ganitong eksena dahil nakagagalit. Nakaiinis na makita kung paano ginagawang photo opportunity ang bawat proyekto, samantalang ang mga nagbabayad ng buwis, ang siyang nakalublob sa tunay na epekto ng kapabayaan.
Ang larawan ay higit pa sa biro o meme, ito ay sintomas ng mas malalim na problema sa ating sistema, ang mababaw na pananagutan at kulturang palusot. Kapag baha, sisihin ang ulan. Kapag sira ang proyekto, sisihin ang kontratista. Pero kailan kaya tayo makakikita ng lider na handang tumayo at sabihing: “Oo, nagkulang kami. Aayusin namin.”
Sa ngayon, habang ang mga mamamayan ay patuloy na nagtitiis sa baha, trapik, at walang saysay na paggastos ng kaban ng bayan, sana'y tandaan natin ang isang bagay na ang buwis ay hindi pabor na ibinibigay sa gobyerno. Ito ay obligasyong kailangang suklian ng tapat at makataong serbisyo. Kung ganito pa rin ang “where your taxes go,” baka oras na para hindi lang magtanong, kundi maningil.