Bawat pagkaing hinahain sa hapag, may kasamang paghihirap. Sa bawat kagat ng prutas at gulay, rinig ang hinaing ng mga uhaw sa katarungan. Habang tayo’y panatag, busog sa ating kinakain—nariyan ang mga magsasakang nagkukubli, alipin ng lupa, panahon, at sistemang hindi makaahon.
Likas Yamang Inaapakan
Kilala ang Pilipinas bilang isang bansang agrikultural. Sagana sa ani at likas na yaman tulad ng mga lupang maaaring taniman. Ngunit sa kabila ng kasaganahan, nananatili pa ring isa sa mga mahihirap ang mga magsasaka. Sa datos na inilabas ng Philippine Statistics and Authority noong 2023, 27% na mga magsasaka ang nasa ilalim pa rin ng poverty rate. Bakit nga ba sila naghihirap, gayong sa kanila galing ang ating kinakain?
Mahal na Gastos, Mababang Kita
Isa na sa pinakamasakit na katotohanan sa buhay-magsasaka ang hindi pagkakaroon ng balanseng kita. Mahal ang gastos sa pagsasaka—mahal ang binhi, abono, pestisidyo, bayad sa irigasyon at iba pa, para mapanatili ang kalidad ng aanihin. Minsa’y kailangan pa itong bilhin nang paulit-ulit kapag may hindi inaasahang pangyayari—ngunit ang presyo ng ani sa merkado ay napakababa. Minsan, hindi pa umaani ay utang na ang puhunan. Na kung kailan aanihin na ang bunga ng sakit at pagod, saka naman ibababa ang presyo ng prutas, gulay, o palay kasabay ng mga repormang tila mas pabor pa sa import kaysa magsuporta sa lokal na produksyon.
Reporma o Pasakit?
Ang mga reporma ay may layuning nakabubuti sa lahat. Ngunit sa halip, maraming patakarang pinatutupad dahilan upang mas bumaba ang halaga ng bawat produkto. Sa pagpapatupad ng Rice Tarrification Law, tinangkilik ang imported na bigas sa merkado—maganda ang kalidad, pasok sa panlasa ng Pilipino. Dahil dito, bumaba ang presyo ng lokal na palay. Ang ginhawa sa murang bilihin, ay siyang dagok, katumbas ng pagkakabaon sa utang ng magsasaka. Nasaan ang hustisya?
Makinarya at Makabago, Hindi Para sa Lahat
Sa mata ng karamihan, madali na lamang ang pagsasaka dahil sa pag-usbong at pag-unlad ng teknolohiya. Sa tulong nito, dumarami ang ani at napadadali ang trabaho—pero para kanino? Maraming magsasaka ang naghihirap, inuuna ang pang-araw-araw na pangangailangan kaysa sa modernong kagamitan. Kung mayroon man, kadalasa’y utang pa ito sa mga financier na naniningil pa ng sobra-sobra. Habang pinakikinabangan ng agri-businesses ang makinarya at subsidiya, ang mga magsasaka’y baon, nakaasa sa araro at sariling lakas. Ang kaginhawaan ng iilan ay nakakamit sa kapinsalaan ng ilan.
Pag-asa sa Hinaing
Gayunpaman, hindi nawawalan ng pag-asa. Maraming samahan ang unti-unting umaayos ng sistema, sumusuporta sa lokal na agrikultura. May mga kilusang nagtutulak para sa tunay na reporma sa lupa, sapat na suporta sa produksyon, at patas na presyo ng ani. May matatapang na magsasakang lumalaban, sumusulong ng katarungan hindi lamang dahil sa pagkain kundi dahil may pag-asa.
Kaya’t sa bawat subo ng pagkain, tanungin mo ang iyong sarili: Kaninong pawis ang aking tinitikman?
Huwag sana tayong mabusog sa pagkaing gawa mula sa pasakit ng iba. Panahon na para muling buuin ang sistemang agrikultural—isa na nagbibigay ng tunay na halaga at dangal sa mga tunay na bayani ng bayan: ang ating mga magsasaka.