Ang pagkaing Pritong Patatas o mas kilala bilang “French Fries” ay hindi na bago sa ating mga Pilipino. Ito ay kadalasang kinakain bilang meryenda—hindi lamang ng mga bata, kundi pati na rin ng mga matatanda. Pero paano kung ang pangmasang meryenda na ito, ay maaaring magsanhi ng isang karamdamang walang kagalingan?
Isang bagong pag-aaral mula sa Harvard T.H. Chan School of Public Health, na tumagal ng tatlong dekada ang nakakita na ang madalas na pagkain ng French fries ay may kaugnayan sa mas mataas na panganib ng pagkakaroon ng type 2 diabetes. Ayon sa resulta, ang pagkain ng tatlong servings ng French fries kada linggo ay maaaring magpataas ng panganib nang humigit-kumulang 20 porsyento.
Sa kabilang banda, ang ibang uri ng patatas tulad ng nilaga, inihurnong patatas, o mashed potatoes ay hindi nagpapakita ng kaparehong panganib. Ayon sa mga eksperto, mas nagiging delikado ang French fries dahil sa paraan ng pagluluto nito, kung saan gumagamit ng mataas na temperatura at maraming mantika na nagdadagdag ng taba at asin.
Upang mabawasan ang panganib ng type 2 diabetes, iminungkahi ng pag-aaral na limitahan ang pagkain ng French fries at subukan ang mas malusog na alternatibo tulad ng mashed potatoes o paggamit ng air fryer. Maaari ring palitan ang French fries ng whole grains gaya ng brown rice at whole wheat bread na mas nakatutulong sa pagkontrol ng asukal sa dugo.
Bagaman hindi masama ang patatas mismo, ipinapakita sa pananaliksik na ang paraan ng pagluto ang may malaking epekto sa kalusugan.
Sa pamamagitan ng pag-iwas sa madalas na pagkain ng French fries at pagpili ng mas masustansyang pagkain, makatutulong ito para mabawasan ang posibilidad ng pagkakaroon ng type 2 Diabetes.