Huwag kang tumingin nang ganiyan sakin.
Lahat nagbabago, walang permanente, walang nananatili. Kahit anong pilit na pigilan ang pagtakbo ng oras, hindi ito nakikiusap, lalo na kung lumipas na. Hindi na natin ito mababalikan.
Nakabaon na sa nakaraan ang mga alaala, at sa simpleng pagsulyap, tila kasalanang muling tikman ang tamis ng kabataan para takasan ang mapait na bigat ng pagtanda. Parang inuusig ng kasalukuyan ang bawat lihim na paglingon, na para bang nahuli tayong magnanakaw ng sariling alaala.
“Sana tumanda na ako.” “Sa pagtanda ko, gusto kong ganito ako.” Iyan ang sambit ng mga batang may ngiting walang bahid ng takot. Noon, laro ang problema—tila binagsakan na ng langit at lupa kapag naging taya sa habulan o tagu-taguan. Halakhak ang pinagsasaluhan sa hapon, pawis ang tinta ng masasayang alaala, at luha ay mitya ng inis sa kalarong madaya.
Ngunit madaya rin ang oras. Pinabilis nito ang lahat, binura ang mga pahina ng kabataan, at ipinalit ang isang mundong wala sa plano—wala sa pangarap. Hindi pala kanlungan ang pagtanda, isa pala itong kulungan na may rehas ng responsibilidad.
"Sana bata nalang ako." Ngayon, mabigat na pasanin ang bitbit natin. Bawat bukas ay may bagong utos, bagong singil, bagong laban. Napalitan na ang mitya ng pag-iyak, napalitan na ang pinagsasaluhan, napalitan na ang dahilan ng pagtulo ng pawis—hindi na mula sa laro, kundi sa pagod at pangungulila.
Kaya minsan, sa tahimik na pagitan ng araw at gabi, ninanakaw natin ang ilang saglit para muling damhin ang mga araw na sapat na ang piso para sumaya. Sa bawat paglingon, inaamoy natin ang simoy ng kabataan, binabalikan ang halakhak na walang kasamang takot. Ngunit sa isang iglap, sa isang pagkurap, ibinabalik tayo ng kasalukuyan—matapang at walang palugit—sa mundong minsan nating pinangarap abutin.
Sa bawat paglingon, napagtatanto natin na hindi lang pala nakaraan ang ating hinahanap, kundi ang pakiramdam ng pagiging buo at walang takot. Marahil hindi na natin iyon ganap na maibabalik, ngunit sa alaala, nabubuhay itong muli—kahit sa maikling sandali.
Huwag kang tumingin nang ganiyan sakin..... kung makakapagsalita ang nakaraan, iyan ang sasabihin—dahil tayo mismo ang humiling na tangayin ng oras noong nasa kabataan pa. Ngunit pakatandaan, katulad ng oras na walang tigil sa pagtakbo, kahit ang bigat, ang lungkot, at maging ang alaala, lahat ay lilipas din.