Ang dating mga gawain na nangangailangan ng oras, tiyaga, at malalim na pag-iisip ay ngayon pinapasa na sa teknolohiya. Sa halip na magsilbing katuwang, ang Artificial Intelligence (AI) ay nagiging kapalit ng ating sariling pagsisikap, at marami ang nasasanay na umasa rito. Kapag patuloy itong tinatanggap nang walang sapat na pag-iingat, nawawala ang disiplina at kritikal na kamalayang mahalaga sa isang demokratikong lipunan.
May mga pag-aaral na nagpapakita ng matinding epekto nito sa ating pag-iisip. Ayon sa MIT Media Lab, ang paggamit ng AI sa pagsulat at paggawa ng content ay nakakabawas sa brain activity at sa kakayahang lumikha ng orihinal na ideya. Bumababa ang memory recall at critical thinking kapag umaasa ang tao sa machine-generated na sagot kaysa sa sariling pag-aanalisa.
Ang epekto nito sa pamamahayag ay mas malalim. Ang journalism ay nakaugat sa imbestigasyon, pagsusuri, at masusing pag-verify ng impormasyon. Kapag ang mga reporter at editor ay masyadong umasa sa AI para sa research, pagsusulat, o kahit headline generation, nilalagay sa alanganin ang kalidad ng balita. Ayon sa Reuters Institute, mas mababa ang tiwala ng publiko sa mga balitang ginawa “mostly by AI” kahit may human intervention, lalo na sa mga sensitibong isyu gaya ng pulitika. May pananaliksik din mula sa University of Kansas na nagsasabing bumababa ang kredibilidad ng balita pag alam ng mambabasa na sangkot ang AI sa paggawa nito, kahit hindi nila alam kung gaano kalaki ang naging papel ng teknolohiya.
Bukod dito, may mga etikal na panganib sa pagpasok ng AI sa mga newsroom. Ang mga algorithm ay maaaring maglaman ng bias mula sa datos na ginamit sa kanilang pagsasanay. Kapag hindi na mabuti, maaaring magresulta ito sa maling impormasyon, propaganda, at pagbaluktot ng katotohanan. Sa ganitong kalagayan, ang papel ng mamamahayag ay hindi dapat basta-basta ipasa sa teknolohiya, sapagkat ang integridad ng pamamahayag ay nakasalalay sa pananagutan.
Sa mas malawak na perspektiba, ang labis na pagdepende sa AI ay hindi lamang usapin ng teknikal na kahinaan kundi usapin ng lipunan. Kapag ang mga tao ay mas sanay maghintay ng sagot kaysa maghanap nito, unti-unting namamatay ang kasanayan sa pagtatanong at pagsusuri. Ito ay nakakaapekto sa ating kakayahan na magdebate, umunawa ng konteksto, at maglatag ng kritikal na pananaw mga katangiang sentro sa maayos na pamamahayag at aktibong mamamayan.
Ang tunay na problema ay nasa paraan ng paggamit at sa kawalan ng tamang balanse. Kung ituturing itong kasangkapan para palalimin ang ating trabaho at hindi kapalit ng ating isipan, maaaring maiwasan ang mga negatibong epekto. Ngunit kung patuloy itong gamitin bilang madaling daan para umiwas sa mahihirap na proseso ng pag-iisip, masisira hindi lamang ang ating kakayahang mag-isip kundi pati na rin ang pundasyon ng malayang pamamahayag. Ang AI ay ginawa para maging katuwang, hindi para mawala ang kinang ng mga artikulo na dapat maging ulo ng paghahatid ng serbisyong hindi kailanman mapupuwing.
Sa huli, nasa AI nga ang gawa, ngunit nasa tao pa rin ang sala. Tungkulin nating tiyakin na ang teknolohiya ay nagsisilbi sa katotohanan at hindi magiging kasangkapan sa paglaho ng ating kritikal na pag-iisip at kakayahang maghatid ng makabuluhang balita. Sapagkat, kailangan mapanatili ang integridad ng mga mamamahayag na dapat patuloy sa pagseserbisyo para sa bayang hindi matitinag.