via Liane Jazmine Saludo, Pressroom PH
Dala ng mga tradisyonal na plastik ang polusyon at pahamak sa suplay ng pagkain at tubig, kaya isang magandang tuklas ang natunghayan sa Washington University, matapos makagawa ng bagong bioplastic.
Bago pa man malawakang ginamit ang plastik na packaging, madalas na ginagamit ang mga dahon bilang pangbalot ng mga pagkain—kung saan naobserbahang madali itong mabulok dahil sa cell walls na mayaman sa cellulose.
Dahil dito, ang mga chemical engineers ng Unibersidad ng Washington ay nagdesisyon na gamiting mahalagang kasangkapan ang mga cellulose sa pagbuo ng kanilang bioplastic.
“We created a multilayer structure with cellulose in the middle and bioplastics on both sides,” saad ni Joshua Yuan, isang propesor sa Unibersidad ng Washington.
Naging kahanga-hanga ang kinalabasan ng bagong bioplastic ng WashU pagdating sa biodegradability, dahil nabubulok ito sa katamtamang temperatura at mababa ang antas ng hangin at tubig na tumatagos dito na makatutulong upang mapanatili ang kalidad ng pagkain.
Ang cellulose ay malaking tulong hindi lamang sa pagpapabilis ng pagkabulok ng bioplastic, kundi pati na rin sa pagpapalakas ng functionality nito. Ang estraktura ng cellulose ay binubuo ng mahahabang linear chains at covalent bonds—kung saan ay malaking dahilan kung bakit matibay ang cellulose lalo na’t ang covalent bonds ay mayroong malakas na atraksyon sa pagitan ng electron at proton na nakapaloob dito.
Dagdag pa rito, masasabing “multifunctional” ang bioplastic na ito dahil mayroon rin itong “printable surface” na mahalaga sa industriya ng pagkain at magagamit sa packaging ng iba’t ibang kumpanya sa malapit na hinaharap kung pagpapalawakin ang disenyong ito mula sa cellulose.
"This unique biomimicking design allows us to address the limitations of bioplastic usage and overcome that technical barrier and allow for broader bioplastic utilization," ayon kay Yuan. Ang bioplastic ng WashU ay daan upang pagbutihin ang mga susunod pang pag-aaral tungkol sa bioplastic at mas mapalawak ang gamit nito imbis na patuloy na gamitin ang mga tradisyonal na plastik.
Sa kasalukuyan, patuloy lamang lumalala ang polusyong dulot ng mga microplastic—kaya’t laging tandaan na kung may alternatibo, tangkilikin mo ito!