via Girlie Anne Cornelio
Sa patuloy na pag-unlad ng teknolohiya at paglipat ng halos lahat ng aspeto ng ating buhay sa digital na espasyo—mula sa pagbabangko, pag-aaral, pamimili, at maging sa pagboto—isang mahalagang tanong ang kailangan sagutin: Gaano nga ba tayo kaligtas sa cyberspace?
Ang cybersecurity ay tumutukoy sa mga hakbang upang maprotektahan ang ating mga computer system, network, at datos mula sa mga digital na atake. Ngunit sa likod ng bawat click at scroll, nagkukubli ang mga cybercriminals na walang humpay sa paghahanap ng butas sa ating mga sistema.
Ayon sa report ng Check Point Research noong 2024, tumaas ng 38% ang mga global cyber attacks noong nakaraang taon. Sa Southeast Asia, kabilang ang Pilipinas, ang isa sa mga pinaka madalas tamaan ng mga atake gaya ng phishing ransomware, at data breaches.
Isang malinaw na halimbawa nito ay ang nangyaring PhilHealth ransomware attack noong Setyembre 2023. Ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT), mahigit P13 milyong records ng miyembro ng PhilHealth ang nailantad online, kabilang na ang personal na impormasyon, address, at ID numbers.
Upang maiwasan ang mga isyung ito, mahalagang maglagay ng malalakas na password, gumamit ng two-factor authentication, iwasan ang pag-click sa mga kahina-hinalang link, at panatilihing updated ang ating mga device at software. Bukod rito, huwag basta-basta magbahagi ng sensitibong impormasyon sa social media o mga hindi kilalang website. Sa pagiging maingat at responsable sa paggamit ng teknolohiya, mapananatili nating ligtas hindi lamang ang ating sarili, kundi pati na rin ang ating komunidad sa digital na mundo.
Hindi lang ito simpleng teknikal na isyu—ito ay usapin ng privacy, tiwala, at pambansang seguridad.
Sa panahon ng AI, cloud computing, at digital governance, hindi sapat ang basta marunong gumamit ng gadgets. Kailangan natin ng digital literacy—ang kakayahang maging responsable, mapanuri, at ligtas sa paggamit ng teknolohiya.
Habang patuloy tayong niyayakap ng modernong teknolohiya, hindi natin dapat kalimutan ang panganib na kaakibat nito. Ang pagiging ligtas online ay hindi lamang teknikal na tungkulin—ito ay bahagi ng pagiging responsable sa makabagong panahon.
Panahon na upang sabay-sabay nating protektahan hindi lang ang ating sarili, kundi pati ang buong bayan—online at offline.