Simula sa pagpasok ng buwan ng Hunyo ay ang marka ng pag-uumpisa ng tag-ulan sa Pilipinas. Bukod dito, umusbong din ang sari-saring problema kagaya ng ‘ghost projects’ na naging dahilan ng matinding pagbaha at pagkasira ng pamumuhay ng ibang Pilipino. Ngunit, hindi lamang ito ang problema na dapat pinagtutuunan ng pansin sapagkat may problema rin na sumisisid papalapit sa ating buhay na magdadala ng matinding panganib — ang mga sakit.
Kagaya ng Leptospirosis, sakit na nakukuha sa ihi ng daga, ay lumolobo tuwing sumasapit ang panahon ng tag-ulan. Ayon sa Department of Health (DOH), ang kaso ng sakit na ito ay biglaang umabot sa lagpas 2,300 simula noong Hunyo. Ilan sa mga sintomas ng Leptospirosis ay panghihina, pamumula ng mata, at pagkakaroon ng lagnat.
Hindi lamang buwis ng ating mga kapwa mamamayan ang kinuha at ibinulsa, ngunit pati na rin ang ating karapatan na mamuhay na ligtas sa mga sakit na hindi dulot ng baha—ngunit ng mga flood control projects na hindi kayang kontrolin ang baha.
Isa rin sa sakit na lumalaganap tuwing tag-ulan ay ang Dengue. Ito ay nakukuha sa kagat ng lamok na mayroong ‘dengue virus’. Nagbigay babala ang DOH sa pamayanan na alagaan ang sarili at gawin ang lahat upang hindi maranasan ang karamdaman na ito. Base sa kanilang datos, tumaas ng 224% ang kaso ng Dengue kumpara sa kaso noong nakaraang taon.
Ayon kay Farwa Hombre, assistant secretary ng DOH Public Health Services Cluster, malala ang epekto ng Dengue kaya ipinababatid nila sa publiko na pigilan ang sakit sa paglaganap kesa hayaan ito na makapinsala ng kapwa.
“Pwede pong mauwi sa kamatayan if hindi po natin maagapan, kaya po pinupush namin na prevention is better than cure,” ani ni Hombre.
“Prevention is better than cure,” isang sikat na kasabihan na palaging makikita kung ang usapan ay tungkol sa kalusugan. Ang ating kalusugan ay dapat nating ingatan, mayroong mga gamot at treatment upang malabanan ang sakit na maari nating maramdaman. Papaano naman ang sikat na nangyayari sa ating bayan? Wala na ba talagang cure o kahit prevention man lang sa korapsyon na ating nararanasan?
Hindi ito ang ulan—hindi kailanman naging kasalanan ng ulan, dahil ito’y natural at hindi mapigilan. Hindi rin kasalanan ng baha, dahil ito ay resulta ng ulan. Mayroon tayong payong para sa ulan, ngunit para sa korapsyon at katiwalian? Wala tayong payong para maiwasan ito, wala itong ginagawa kundi magbigay ng problema, kawalan ng hustisya, at kunin ang natamo natin.
Dumadagsa ang mga problema sa bansa at nagigising na rin ang mga mamamayan sa katotohanan. Ang mga sakit na ito ay hindi maso-solusyunan ng gobyerno lamang. Kaya naman, dapat na rin makialam ang mga tao at simulan na ang pag-aalaga sa sarili sa pamamagitan ng pagiging malusog at pagiging malinis sa kapaligiran. Sa ganitong paraan, maiiwasan ng bawat isa ang mga lumulutang na problema.