Binigyang babala ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro, si dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque matapos nitong kwestiyunin ang kaniyang kredibilidad sa pagbibigay-komento sa umano’y kabiguan ni Vice President Sara Duterte bilang kalihim ng Department of Education (DepEd).
Giit ni Castro, imbes na makialam sa isyu ng Bise Presidente, mas nararapat na unahin ni Roque ang pagharap sa kaniyang personal na problema at mga kasong kinahaharap sa bansa.
“Alam mo Atty. Harry Roque, para hindi uminit ang ulo mo, unahin mo kasi muna ‘yong problema mo. Ang dami mong problema eh. Ayaw ka na nga ng iba, ipinipilit mo pa ang sarili mo,” pahayag ni Castro.
Binanggit din ng Palace Official na patuloy na nagpapasiksik si Roque sa Netherlands kahit umano hindi siya gusto ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at ng abogado nitong si Nicholas Kaufman.
Dagdag pa ni Castro, matagal nang inilalayo ng pamilya Duterte ang sarili mula kay Roque, subalit patuloy pa rin umano itong sumasawsaw sa mga usapin, kabilang na ang pagkakadikit kay VP Sara at ang isyu ng kanyang umano’y kabiguan sa DepEd.
Giit pa niya, ang lahat ng kaniyang pahayag ay may batayan at hindi haka-haka, taliwas umano sa mga “gawa-gawang kwento” ng Bise Presidente laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.