Matagal nang ginagamit ang Clustered Regularly Interspaced Short Palindromic Repeats (CRISPR) bilang paraan para baguhin o manipulahin ang DNA. Parang gunting, mahusay itong pumutol, pero hindi palaging maayos kapag muling pinagdugtong ng selula ang sira.
Ngayon, gamit ang artificial intelligence (AI) deep learning, natuklasan ng mga siyentista kung paano masundan ang natural na paraan ng selula sa pag-aayos ng DNA. Ayon sa isang papel sa Proceedings of the National Academy of Sciences, nagresulta ito sa edits na tatlong beses na mas malinis at halos walang pilat.
Kapag nagpuputol ang CRISPR, karaniwang nagmamadali ang selula na pagdugtungin ang DNA, pero madalas may nawawalang bahagi. Sa pagtuturo sa kompyuter na unawain kung paano ito talaga ginagawa ng selula, natuklasan ang maliliit na “tags” na tumutulong sa maayos na pagkabit — para bang Velcro na natural na dumidikit.
Nang gayahin ng mga siyentista ang mga tags na ito at isama sa DNA na ipapasok, halos kusa itong tinanggap ng selula. Ayon sa mga resulta, mas maayos ang pagkakabit at mas kaunti ang pagkakamali.
“Sumakto ang mga edit gaya ng inaasahan — walang magulong gilid, walang nawawalang bahagi, at tatlong beses na mas malinis kaysa karaniwan,” ayon kay Soeren Lienkamp, punong may-akda ng pag-aaral.
Upang ipakita ang bisa ng bagong-tuklas, nagpasok sila ng immune-boosting gene sa human T cells, na mahalaga para sa cancer therapies, at mas kaunti ang maling hiwa kaysa dati. Sinubukan din sa embryo ng palaka at sa mga selula ng utak ng daga, at napatunayan pa rin ang malinis at tiyak na pagbabago. Ngayon, sa online tool na Pythia, maaaring maglagay ng CRISPR target at agad makakuha ng recipe para sa tamang DNA tag.
Sa pagsasanib ng artificial intelligence at biyolohiya, pinipino ng gawaing ito ang CRISPR at inilalapit ang gene editing sa katumpakan ng tahi ng siruhano — isang hakbang patungo sa mas ligtas at abot-kamay na inobasyon sa medisina.