𝘃𝗶𝗮 𝗠𝗮𝘅𝗶𝗻𝗲 𝗘𝗹𝗹𝗲 𝗚. 𝗚𝗮𝗿𝗰𝗶𝗮, 𝗣𝗿𝗲𝘀𝘀𝗿𝗼𝗼𝗺 𝗣𝗛
Hindi lahat ng nilulon ay dahil sa gutom. Minsan, panandaliang lunas ito sa mas malalim na sugat.
Gabi ang oras ng balot.
Sa bawat sulok ng barangay, kapag ang ilaw sa poste ay tila bituing pagod na sa pagsaksi sa hirap ng lansangan, saka darating si Mang Manolo na may kasamang bayong, may kasamang sigaw:
“Baloooooot!”
Isang salitang binibigkas na puno ng hinaing, puno ng pag-asa. Pamilyar, ngunit madalas hindi pinakikinggan. Sa maliit na itlog na may sisiw ay naroon ang kanyang puhunan, kanyang pangarap, at kanyang pangalan.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), 30.3%–35.2% Pilipino ang kabilang sa informal sector noong 2023. Sila ang walang kontrata, walang benepisyo, at walang katiyakang kita. At sa kanila, ang mga tulad ni Mang Manolo ang bumubuhay sa gabing pagod na ang karamihan.
At gaya ng nilagang balot, ang Pilipinas ay matagal nang pinakuluan sa krisis. Isinilid sa init ng kawalang-katarungan, pinasingaw ng paulit-ulit na pangako, at ngayon, pinipilahan ng mga kamay na tila laging gutom sa yaman, ngunit busog na busog sa kalupitan.
Hindi lang pagkain ang balot.
Ito ay salamin.
Batay sa Social Weather Stations (SWS) noong 2024, 17.6% na pamilya ang nagsabing “nahihirapan silang tustusan ang pang-araw-araw na pagkain ng pamilya.” Pero hindi natin ito nakikitang trending sapagkat wala itong boses sa Kongreso.
Pero maririnig mo ito sa bawat sigaw sa kalsada:
“Baloooot!”
Minsan, may batang bumili ng balot gamit ang piso-pisong barya. Pang-ulam dahil wala pa ang nanay niya.
Hindi ko alam kung ano ang mas mabigat: ang laman ng itlog o ang hinanakit sa kanyang mata. At habang iniinom niya ang sabaw, naiisip kong iyon marahil ang pinaka-mainit na haplos na naranasan niya sa buong araw.
Habang sinisipsip natin ang sabaw ng kahirapan, may mga Pilipinong bumibitaw, at may mga tiyan na namamanhid na sa pagkakalam.
Sa bawat kagat ng balot, sana’y matikman ang katotohanan—binabalot tayo ng sistemang hindi nauubos. At ang bawat itlog na niluto ay bangungot ng isang tindera, na sana, kahit isang gabi, ay may mabentahan ng dangal.
Hindi lahat ng binabalot ay protektado. Minsan, binabalot lang para hindi mapansin. Pero gaya ng sigaw sa gabi, may mga kwentong kahit paulit-ulit mong lunukin, hindi kailanman mawawala sa panlasa.