Kamakailan ay naging laman ng balita ang pahayag ni DepEd Secretary Sonny Angara kaugnay sa sunod-sunod na suspensyon ng klase tuwing may pag-ulan. Ayon sa kanya, "Huwag nating masyadong i-pressure ang ating local government, chief executives, na konting ulan ay mag-suspend na tayo... dahil kapag sinumatotal natin ang mga nawawalang araw, malaki ang dagok o tama sa ating mga estudyante, 'yung tinatawag na learning loss."
Bilang isang estudyante at mamamayan, nauunawaan ko ang hangaring ito, ang mapanatili ang tuloy-tuloy na pagkatuto, ang mabawasan ang learning gaps, at ang makamit ang dekalidad na edukasyon para sa lahat. Ngunit sa kabila nito, mahalagang tandaan na ang edukasyon ay hindi maaaring ilagay sa pedestal ng pagiging "una sa lahat" kung mismong buhay na ng mga mag-aaral ang nalalagay sa panganib.
Sa isang bansa kung saan hindi pantay ang kalagayan ng bawat estudyante na may mga nasa maayos na tahanan at may internet, habang ang ilan ay nakatira sa gilid ng ilog o tabing-bundok hindi maikakaila na ang epekto ng ulan ay hindi pareho para sa lahat. Sa ilang lugar, ang ulan ay abala lamang. Ngunit sa marami, ito ay banta sa kaligtasan.
Ang learning loss ay totoo. Ngunit ang life loss ay mas mabigat, mas malala, at hindi kailanman matutumbasan ng remedial class o weekend session. Maaaring habulin ang aralin, ngunit hindi na muling maibabalik ang buhay kapag nawala.
Hindi natin sinasabing hindi mahalaga ang edukasyon. Ngunit mahalagang isaalang-alang ng pamahalaan na ang edukasyon ay hindi lang usapin ng pasok o hindi, kundi usapin ng kaligtasan, kalagayan, at kapasidad ng bawat batang Pilipino na makapag-aral nang hindi nanganganib ang kanilang kalusugan, katawan, at isipan.
Bukod dito, ang mga isyung kinakaharap ng mga estudyante ay hindi lamang akademiko kundi marami sa kanila ang namomroblema sa pagkain, pamasahe, kagamitan, at kalusugan. Kung sa pang-araw-araw na buhay ay hirap na silang makaagapay, paano pa sa mga panahong may kalamidad?
Ang edukasyon ay hindi lamang nasusukat sa dami ng araw na pumasok ang estudyante. Nasusukat ito sa lalim ng pang-unawa, sa saklaw ng malasakit, at sa kalidad ng pagsasaalang-alang sa bawat kalagayan.
Kung tunay nating nais na makamit ang isang makatao, ligtas, at epektibong sistema ng edukasyon ay dapat buo ang loob nating unahin ang buhay bago ang bait. Dahil sa huli, hindi mataas na marka, kundi ang mismong kaligtasan at kapakanan ng mag-aaral, ang siyang tunay na sukatan ng isang edukasyong makatarungan.