via Jevin Alfred Follante
Hindi ulan ang unang bumabagsak sa atin, kundi alaala ng mga nakaraang paglubog.
Bago pa man dumampi ang tubig sa bubungan, dama na ng taumbayan ang bigat ng darating na unos — amoy ng putik, at yabag ng mga paa sa kalyeng magiging ilog muli. Ang baha’y hindi na sorpresa kundi bisitang matagal nang kilala, at sa bawat pagdating nito, muli tayong nagtatanong: hanggang kailan ba tayo magpapalunod?
Sa mga kalsadang nagiging dagat, ang tao’y nagiging bangka ng sarili niyang katawan. Bata, matanda, manggagawa, guro — lahat ay pantay na nakalubog sa parehong tubig na amoy kalawang at basurang matagal nang nakalimutang itapon. Walang mayaman o mahirap; ang lahat ay saksi sa parehong agos ng kawalan.
Ngunit higit na mabigat kaysa sa baha ang bigat ng mga matang sawang maniwala. Ilang ulit na bang ipinangako ang matatag na dike? Ilang ulit na bang iginiit na may proyekto raw, may solusyon raw, may pondo raw? At ilang ulit na rin ba tayong nabasa ng parehong kasinungalingan? Ang tubig ay malinaw sa kanyang galit, ngunit ang sistema’y nananatiling malabo.
Ang magsasaka sa baryo’y pinapasan ang latian ng kanyang ani, habang ang manggagawa sa siyudad ay nilulusong ang kalsadang dapat ay daan pauwi. Ang gurong hindi makatawid sa eskwelahan, at ang estudyanteng dapat sana’y nag-aaral ay nagbabakasakali na hindi tangayin ng baha ang kanyang libro. Ang buhay na dapat ay umaagos ay natitigilan sa putik na walang hanggan.
Ang baha’y naging ritwal — isang trahedyang inuulit taun-taon. At ang pinakamalupit na bahagi ay tayo’y nasanay na. Natutong ngumiti habang nakatuntong sa upuang nakalutang, natutong gawing laruan ang sako ng buhangin, natutong gawing biro ang sariling paglubog. Sana all, may flood control — parang biro lamang, ngunit sa likod nito ay nagtatagong panalangin.
Subalit paano ka makakahinga kung pati mga proyekto’y binaha ng katiwalian? Ang mga dike’y itinayo para sa larawan, hindi para sa tao. Ang mga kanal, higit na puno ng basura kaysa ng pag-asa. At sa bawat pondong nawala, may isang pamilyang lumubog, sa bawat pangakong binibitawan, may isang pangarap na inanod.
Ngunit ang totoong flood control ay hindi lamang pader o semento. Ito’y malasakit na hindi natitinag, lideratong hindi nilalamon ng sariling bulsa, at bayaning hindi takot magtulungan. Sapagkat kung ang tubig ay walang pinipili, dapat ganoon din ang pagkalinga. Ang depensa laban sa baha ay hindi lamang istruktura, kundi paninindigan.
At kaya sa tuwing babalik ang rumaragasang ulan, muling tayong uusigin ng parehong tanong: Hanggang kailan nga ba? Hanggang kailan nga ba nating hahayaang lunurin tayo ng sarili nating pagkukulang? Hanggang kailan maglalakbay ang mga salita, habang ang mga tao’y patuloy na lumulubog? Sana all, may flood control. Ngunit higit sa lahat, sana all, may pamahalaang marunong magligtas.